GENESIS 5:1-22
GENESIS 5:1-22 ABTAG01
Ito ang aklat ng mga salinlahi ni Adan. Nang lalangin ng Diyos ang tao, siya ay nilalang sa wangis ng Diyos. Lalaki at babae silang nilalang, at sila'y binasbasan at tinawag na Adan ang kanilang pangalan, nang araw na sila'y lalangin. Nabuhay si Adan ng isandaan at tatlumpung taon, at nagkaanak ng isang lalaki na kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan, at tinawag ang kanyang pangalan na Set. Ang mga naging araw ni Adan pagkatapos na maipanganak si Set ay walong daang taon; at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat ng mga araw ng naging buhay ni Adan ay siyamnaraan at tatlumpung taon at siya'y namatay. Nabuhay si Set ng isandaan at limang taon at naging anak niya si Enos. Nabuhay si Set pagkatapos na maipanganak si Enos ng walong daan at pitong taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Set ay siyamnaraan at labindalawang taon at siya'y namatay. Nabuhay si Enos ng siyamnapung taon at naging anak niya si Kenan. Si Enos ay nabuhay pagkatapos na maipanganak si Kenan ng walong daan at labinlimang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Enos ay siyamnaraan at limang taon at siya'y namatay. Nabuhay si Kenan ng pitumpung taon at naging anak niya si Mahalalel. Nabuhay si Kenan pagkatapos na maipanganak si Mahalalel ng walong daan at apatnapung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Kenan ay siyamnaraan at sampung taon at siya'y namatay. Nabuhay si Mahalalel ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Jared. At nabuhay si Mahalalel pagkatapos na maipanganak si Jared ng walong daan at tatlumpung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Mahalalel ay walong daan at siyamnapu't limang taon at siya'y namatay. Nabuhay si Jared ng isandaan at animnapu't dalawang taon at naging anak niya si Enoc. Nabuhay si Jared pagkatapos na maipanganak si Enoc ng walong daang taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Jared ay siyamnaraan at animnapu't dalawang taon at siya'y namatay. Nabuhay si Enoc ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Matusalem. Lumakad si Enoc na kasama ng Diyos, pagkatapos na maipanganak si Matusalem ng tatlong daang taon, at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae.

