GENESIS 3:14-19
GENESIS 3:14-19 ABTAG01
Sinabi ng PANGINOONG Diyos sa ahas, “Sapagkat ginawa mo ito ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop, at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang; ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo, at alabok ang iyong kakainin sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. Maglalagay ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa, at sa iyong binhi at sa kanyang binhi. Ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.” Sinabi niya sa babae, “Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi; manganganak kang may paghihirap, ngunit ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa, at siya ang mamumuno sa iyo.” At kay Adan ay kanyang sinabi, “Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punungkahoy na aking iniutos sa iyo na, ‘Huwag kang kakain niyon,’ sumpain ang lupa dahil sa iyo. Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo, at kakain ka ng tanim sa parang. Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha. Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”





