Mga kapatid, hindi ko nais na hindi ninyo malaman na ang ating mga ninuno ay dumaan sa ilalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat,
at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat;
at lahat ay kumain ng isang pagkaing espirituwal;
at lahat ay uminom ng isang inuming espirituwal. Sapagkat sila'y umiinom sa batong espirituwal na sumunod sa kanila, at ang Batong iyon ay si Cristo.
Subalit hindi nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, sapagkat sila'y ibinuwal sa ilang.
Ang mga bagay na ito'y naganap bilang halimbawa para sa atin, upang huwag tayong magnasa ng mga bagay na masama na gaya nila.
Huwag kayong sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ilan sa kanila, gaya ng nasusulat, “Naupo ang bayan upang kumain at uminom, at tumindig upang sumayaw.”
Huwag tayong makiapid, gaya ng ilan sa kanila na nakiapid, at ang namatay sa isang araw ay dalawampu't tatlong libo.
Huwag nating tuksuhin si Cristo na gaya ng pagtukso ng ilan sa kanila, at sila'y pinuksa ng mga ahas.
Huwag din kayong magbulung-bulungan, gaya ng ilan na nagbulung-bulungan, at sila'y pinuksa ng taga-puksa.
Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at nasulat bilang pangaral sa atin na dinatnan ng katapusan ng mga panahon.
Kaya't ang nag-aakalang siya'y nakatayo ay mag-ingat na baka siya'y mabuwal.
Walang tuksong dumating sa inyo na hindi karaniwan sa tao, subalit tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulot na kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay naglalaan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayang tiisin.
Kaya, mga minamahal ko, lumayo kayo sa pagsamba sa diyus-diyosan.
Ako'y nagsasalita sa mga tulad sa marurunong; timbangin ninyo para sa inyong sarili ang sinasabi ko.
Ang kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikisalo sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikisalo sa katawan ni Cristo?
Sapagkat may isang tinapay, tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay.
Tingnan ninyo ang bayang Israel; hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay kabahagi sa dambana?
Ano kung gayon ang aking sinasabi? Na ang handog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang diyus-diyosan ay may kabuluhan?
Hindi, sinasabi ko na ang mga bagay na inihahandog ng mga pagano ay kanilang inihahandog sa mga demonyo at hindi sa Diyos, at di ko ibig na kayo'y maging kasama ng mga demonyo.
Hindi ninyo maiinuman ang kopa ng Panginoon at ang kopa ng mga demonyo. Kayo'y hindi maaaring makisalo sa mesa ng Panginoon at sa mesa ng mga demonyo.
O atin bang papanibughuin ang Panginoon? Tayo ba'y higit na malakas kaysa kanya?