Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Mga Taga-Corinto 10:1-22

1 Mga Taga-Corinto 10:1-22 ASD

Mga kapatid, huwag sana nating kalimutan ang nangyari sa ating mga ninuno noon. Ginabayan sila ng Diyos sa pamamagitan ng ulap, at tinulungan sila sa kanilang pagtawid sa Dagat na Pula. Sa pamamagitan ng ulap at ng dagat ay nabautismuhan sila bilang mga alagad ni Moises. Kumain silang lahat ng pagkaing ibinigay ng Diyos. At uminom din silang lahat ng inuming ibinigay niya, dahil uminom sila ng tubig na pinaagos ng Diyos mula sa bato. Ang batong iyon na sumáma sa kanila ay walang iba kundi si Kristo. Ngunit sa kabila nito, karamihan sa kanila ay gumawa ng hindi kalugod-lugod sa Diyos, at dahil dito, nangalat ang kanilang mga bangkay sa ilang. Ang mga nangyaring iyon sa kanila ay nagsisilbing aral sa atin upang hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad nila. Huwag kayong sumamba sa mga diyos-diyosan, tulad ng ginawa ng iba sa kanila. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Nagpista ang mga tao, nag-inuman at nagsayawan sa pagsamba nila sa mga diyos-diyosan.” Huwag tayong gumawa ng seksuwal na imoralidad, tulad ng ginawa ng iba sa kanila. Dahil ditoʼy namatay ang 23,000 ang sa kanila sa loob lamang ng isang araw. Huwag ninyong subukin si Kristo tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya namatay sila sa tuklaw ng mga ahas. Huwag din kayong mareklamo tulad ng ilan sa kanila, kaya pinatay sila ng Anghel ng kamatayan. Ang mga bagay na itoʼy nangyari bilang halimbawa sa atin, at isinulat para magsilbing babala sa ating mga nabubuhay sa panahong nalalapit na ang katapusan ng lahat. Kung inaakala ninyong matatag ang inyong pananampalataya, mag-ingat kayo at baka mahulog kayo sa kasalanan! Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Diyos na hindi niya tayo pababayaang subukin nang higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa siya ng paraan upang mapagtagumpayan ninyo ito. Kaya mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga diyos-diyosan. Sinasabi ko ito sa inyo bilang mga taong nakakaunawa, kaya pag-isipan ninyo ang sinasabi ko. Kapag iniinom natin ang alak sa kopa na ipinagpapasalamat natin sa Diyos, hindi baʼt nakikibahagi tayo sa dugo ni Kristo? Kapag kinakain natin ang tinapay na pinagpipira-piraso, hindi baʼt nakikibahagi tayo sa katawan ni Kristo? Kaya nga, iisang katawan lamang tayo kahit maraming bahagi, dahil iisang tinapay lamang ang ating pinagsasaluhan. Tingnan ninyo ang mga Israelita. Ang mga kumakain ng mga handog ay mga kabahagi sa gawain sa altar. Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko ba na may kabuluhan ang mga diyos-diyosan o ang pagkaing inihandog sa kanila? Hindi! Ang ibig kong sabihin ay inialay nila ang mga handog na iyan sa mga demonyo at hindi sa Diyos. Ayaw kong makibahagi kayo sa mga demonyo. Hindi tayo maaaring makiinom sa kopa ng Panginoon at sa kopa ng masasamáng espiritu, at hindi rin tayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng masasamang espiritu. Gusto ba nating magselos ang Panginoon? Mas makapangyarihan ba tayo kaysa sa kanya?