Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Taga-Roma 5:15-21

Mga Taga-Roma 5:15-21 ASD

Ngunit magkaiba ang idinulot ng kasalanan ni Adan sa kaloob ng Diyos. Sapagkat dahil sa kasalanan ng isang tao, marami ang namatay. Ngunit nakahihigit pa rin ang kagandahang-loob ng Diyos at ang kaloob niya sa maraming tao sa pamamagitan din ng isang tao na walang iba kundi si Hesu-Kristo. Ibang-iba ang idinulot ng kaloob ng Diyos sa idinulot ng kasalanan ni Adan. Ang kasalanan ni Adan ay nagdulot ng kaparusahan, ngunit ang kaloob ng Diyos sa kabila ng maraming kasalanan ay nagdulot ng kapatawaran. Dahil sa kasalanan ng isang tao, naghari ang kamatayan sa buong mundo. Ngunit dahil sa ginawa ng isa pang tao na si Hesu-Kristo, ang mga tumanggap sa masaganang biyaya ng Diyos at itinuring niyang matuwid ay mamumuhay nang matagumpay. Kayaʼt dahil sa kasalanan ng isang tao, nahatulan ng kaparusahan ang lahat. Ganoon din naman, dahil sa matuwid na ginawa ng isang tao, ang lahat ay maituturing na matuwid at mabibigyan ng bagong buhay. Kung dahil sa pagsuway ng isang tao ay marami ang naging makasalanan, ganoon din naman, dahil sa pagsunod ng isang tao ay marami ang ituturing na matuwid. Ang Diyos mismo ang nagbigay ng Kautusan. Ngunit habang sinisikap ng taong sundin ang Kautusang ito, lalo lang nila itong nilalabag. At habang nadadagdagan ang kanilang kasalanan ay lalo namang nadadagdagan ang kagandahang-loob ng Diyos sa kanila. Kaya kung paanong naghari ang kasalanan at nagdulot ng kamatayan, ganoon din naman, naghahari ang biyaya ng Diyos at nagdudulot ng buhay na walang hanggan. At dahil sa ginawa ng ating Panginoong Hesu-Kristo, itinuring tayong matuwid ng Diyos.