Salmo 69:1-12
Salmo 69:1-12 ASD
O Diyos, iligtas nʼyo ako sapagkat tulad ako ng isang taong malapit nang malunod. Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutuntungan. Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon. Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan. Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Diyos. Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok. Gusto nila akong patayin nang walang dahilan. Pinipilit nilang isauli ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw. O Diyos, alam nʼyo ang aking kahangalan; hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan. O Panginoon, ang PANGINOON ng mga Hukbo, Diyos ng Israel, huwag sanang malagay sa kahihiyan ang mga nagtitiwala at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin. Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan. Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko, parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan. Dahil sa labis-labis na pagmamalasakit ko sa inyong bahay, halos mapahamak na ako. Tuwing nilalait kayo ng mga tao, nasasaktan din ako. Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, tinitiis ko ang pagpapahiya sa akin. Kapag nakadamit ako ng sako bilang pagdadalamhati, ginagawa nila akong katatawanan. Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang-bayan. At ang mga lasing ay lumilikha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.


