PANGINOON, bakit napakalayo nʼyo? Bakit kayo nagtatago sa mga oras ng gulo? Ang dukhaʼy pinahihirapan ng masasama at mayayabang. Nawaʼy sa kanila mangyari ang masasamang plano nila. Ipinagmamalaki nila ang masasamang kagustuhan ng kanilang puso. Pinupuri nila ang mga sakim, ngunit kinukutya ang PANGINOON. Dahil sa kahambugan ng mga taong masama, ang Diyos ay kanilang binabalewala, at wala siyang puwang sa pusoʼt isip nila. Ang kanilang pamumuhay ay laging matagumpay, walang pag-aalala na silaʼy hahatulan. Hinahamak nila ang lahat nilang kaaway. Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila at wala silang magiging problema. Silaʼy lapastangan kapag nagsasalita, mga sinungaling at mapagbanta, at sila rin ang sumasambit ng mga salitang masasama at masasakit. Sa mga nayon silaʼy nagtatago; nag-aabang ng mga inosente na kanilang papatayin. Para silang leon na nakakubli at nag-aabang, para sakmalin at kaladkarin ang mahihirap. Dahil malakas sila, ibinabagsak nila ang mga kawawa, hanggang sa hindi na makabangon pa. Ang akala nilaʼy hindi sila pinapansin ng Diyos at hindi niya nakikita ang kanilang mga ginagawa. Parusahan nʼyo na po, PANGINOONG Diyos, ang taong masama. Huwag nʼyo pong pabayaan ang mga inaapi. Bakit nilalait ng taong masama ang Diyos? Sinasabi pa niya, “Hindi tayo parurusahan ng Diyos.” Ngunit nakikita nʼyo, O Diyos, ang mga taong nagdurusa at naghihirap. Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa tulad ng mga naulila, at nakahanda kayong tumulong sa kanila. Tanggalan nʼyo ng lakas ang mga taong masama, at parusahan sila hanggang silaʼy tumigil na sa kanilang kasamaan. Ang PANGINOON, ay Hari magpakailanman! Ngunit ang mga bansang hindi kumikilala sa kanya ay palalayasin sa bayan niya. PANGINOON, naririnig ninyo ang dalangin ng mga mahihirap. Pinapakinggan ninyo sila at pinalalakas. Ipinagtatanggol ninyo ang mga ulila at mga api, upang wala nang mga taong mananakot ng kapwa, sapagkat silaʼy tao rin lang.
Basahin Salmo 10
Makinig sa Salmo 10
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Salmo 10:1-18
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas