Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 2:2-11

Mateo 2:2-11 ASD

Nagtanong sila, “Nasaan ang batang ipinanganak na hari ng mga Hudyo? Nakita namin ang kanyang bituin noong lumitaw ito, at naparito kami para sambahin siya.” Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, nabagabag siya pati na ang buong Jerusalem. Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at itinanong sa kanila kung saan isisilang ang Mesias. Sumagot sila, “Sa Bethlehem po, sa Judea, sapagkat ito ang isinulat ng propeta: ‘Ikaw, Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga namumunong bayan ng Juda; sapagkat magmumula sa iyo ang isang pinuno na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ” Kaya palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inalam niya sa kanila ang eksaktong oras na unang lumitaw ang bituin. Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Bethlehem at nagbilin, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang bata. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako agad para makapunta rin ako at makasamba sa kanya.” Pagkatapos marinig ang bilin ng hari, lumakad na sila. At ang bituing nakita nilang lumitaw noon ay nanguna sa kanila hanggang sa tumigil ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Nang makita nila ang bituin ay labis ang kanilang kagalakan. Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang bata kasama ang kanyang inang si Maria. Nagpatirapa sila at sumamba sa bata. Binuksan nila ang kanilang mga baul ng kayamanan at inihandog sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.

Video para sa Mateo 2:2-11