Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 2:13-23

Mateo 2:13-23 ASD

Nang makaalis na ang mga pantas, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa panaginip. Sinabi niya, “Bumangon kaʼt dalhin mo ang bata at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungong Ehipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang bata para patayin.” Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon ay dinala ang mag-ina patungong Ehipto. Nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Haring Herodes. Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nang nalaman ni Herodes na naisahan siya ng mga pantas, galit na galit siya. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa mga karatig na lugar, mula dalawang taóng gulang pababa. Batay ito sa panahon kung kailan nakita ng mga pantas ang bituin. Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias: “May narinig na tinig sa Rama, tumatangis at nananaghoy, iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak, at ayaw niyang magpaaliw, dahil silaʼy pumanaw na.” Nang mamatay na si Herodes, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa panaginip doon sa Ehipto at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin mo ang bata at ang kanyang ina pauwi sa Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” Bumangon nga si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel. Subalit nang malaman ni Jose na si Arquelao ang naghahari sa lalawigan ng Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil binalaan siya ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip, sa lalawigan ng Galilea sila tumuloy, at silaʼy tumira sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin siyang Nazareno.

Video para sa Mateo 2:13-23