Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 15:11-32

Lucas 15:11-32 ASD

Nagpatuloy si Hesus, “May isang ama na may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama, ‘Ama, gusto ko na pong kunin ang bahaging mamanahin ko.’ Kaya hinati ng ama ang ari-arian niya sa dalawa niyang anak. “Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang lahat ng minana niya at pumunta sa malayong bayan. Doon ay winaldas niya ang lahat sa walang kuwentang pamumuhay. Nang maubos na ang pera niya, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at naghirap siya. Kaya namasukan siya bilang tagapag-alaga ng baboy sa isang tagaroon at ipinadala siyang magpakain ng mga baboy sa kanyang bukid. Sa tindi ng kanyang gutom, halos gusto na niyang kainin kahit ang pagkain ng mga baboy, dahil walang nagbibigay sa kanya ng makakain. “Nang makapag-isip-isip siya, sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Sa amin, kahit ang mga utusan ng aking ama ay may sobrang pagkain, pero ako rito ay halos mamatay na sa gutom. Babalik na lang ako sa amin at sasabihin ko sa aking ama, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo. Gawin nʼyo na lang po akong isa sa mga utusan ninyo.” ’ Kaya umuwi siya sa kanyang ama. “Malayo paʼy natanaw na siya ng kanyang ama at naawa ito sa kanya, kaya patakbo siya nitong sinalubong, niyakap at hinalikan. “Sinabi ng anak sa kanyang ama, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ “Ngunit tinawag pa rin ng ama ang mga utusan niya at sinabi, ‘Bilis! Dalhin nʼyo rito ang pinakamagandang damit at bihisan siya. Lagyan ninyo ng singsing ang daliri niya at suotan ninyo ng sandalyas ang mga paa niya. At kumuha kayo ng guya na pinataba natin, at katayin ninyo. Magdiwang tayo dahil ang anak ko na akala koʼy patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, ngunit muling nakita.’ Kaya nagsimula silang magdiwang. “Samantala, nasa bukid noon ang panganay na anak at nagtatrabaho. Nang pauwi na siya at malapit na sa kanila, narinig niya ang tugtugan at sayawan sa bahay nila. Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Anoʼng mayroon sa bahay?’ Sumagot ang utusan, ‘Dumating ang kapatid ninyo kaya ipinakatay ng inyong ama ang pinatabang baka para ihanda, dahil bumalik siyang ligtas at nasa mabuting kalagayan.’ “Nagalit ang panganay at ayaw pumasok sa bahay. Kaya pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapang pumasok. Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko po kayo nang tapat sa loob ng maraming taon at kailanmaʼy hindi ko sinuway ang utos ninyo. Ngunit kahit minsan ay hindi po ninyo ako binigyan ng kahit isang batang kambing para makapaghanda ako at makapagsaya kasama ang mga kaibigan ko. Ngunit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng kayamanan ninyo sa mga babaeng bayaran, ipinagkatay nʼyo pa ng pinatabang baka.’ “Sumagot ang ama, ‘Anak, palagi tayong magkasama at ang lahat ng ari-arian ko ay iyo. Dapat lang na magsaya tayo dahil ang kapatid mo na inakala nating patay na ay bumalik na buhay. Nawala siya, ngunit natagpuan!’ ”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Lucas 15:11-32