Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Josue 4:1-18

Josue 4:1-18 ASD

Nang makatawid na ang lahat ng mamamayan ng Israel sa Ilog Jordan, sinabi ng PANGINOON kay Josue, “Pumili ka ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lahi, at utusan ang bawat isa sa kanila na kumuha ng isang bato sa gitna ng ilog, doon sa kinatatayuan ng mga pari. Pagkatapos, dadalhin nila ito sa lugar na tutuluyan nʼyo ngayong gabi.” Kaya tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na pinili niya mula sa bawat lahi ng Israel at sinabi, “Pumunta kayo sa gitna ng ilog, sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng PANGINOON na inyong Diyos. Ang bawat isa sa inyoʼy kumuha ng isang malaking bato para sa bawat lahi ng Israel at pasanin ito. Gawin nʼyo agad itong monumento bilang alaala sa ginawa ng PANGINOON. Sa darating na panahon, kapag nagtanong ang mga anak nʼyo kung ano ang ibig sabihin ng mga batong ito, sabihin nʼyo sa kanila na huminto sa pagdaloy ang Ilog Jordan nang itinawid dito ang Kahon ng Kasunduan ng PANGINOON. Ang mga batong ito ay isang alaala para sa mga mamamayan ng Israel magpakailanman.” Sinunod ng labindalawang Israelita ang iniutos sa kanila ni Josue, ayon sa sinabi ng PANGINOON. Kumuha sila ng labindalawang bato sa gitna ng ilog Jordan, isang bato para sa bawat lahi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kampo nila at inilagay doon. Naglagay din si Josue ng labindalawang bato sa gitna ng ilog, sa lugar na kinatatayuan mismo ng mga paring may dala ng Kahon ng Kasunduan. Hanggang ngayon nandoon pa ang mga batong iyon. Nanatiling nakatayo sa gitna ng ilog Jordan ang mga paring may dala ng Kahon hanggang sa matapos ang lahat ng iniutos ng PANGINOON na siya ring iniutos ni Moises kay Josue. At ang mga Israelita ay mabilis na tumawid sa kabilang ibayo. Nang makatawid na silang lahat, itinawid din ang Kahon ng Kasunduan ng PANGINOON. At nauna ulit ang mga pari sa mga tao. Tumawid din at nauna sa mga tao ang mga lalaking armado na mula sa lahi nina Ruben, Gad at kalahating lahi ni Manases, ayon sa iniutos ni Moises sa kanila. Ang bilang ng mga armadong kalalakihang ito ay nasa apatnapung libo. Kasama nila ang presensya ng PANGINOON at pumunta sa Kapatagan ng Jerico para makipaglaban. Nang araw na iyon, pinarangalan ng PANGINOON si Josue sa harap ng mga Israelita. At iginalang si Josue ng mga tao sa buong buhay niya gaya ng ginawa ng mga tao kay Moises. Nauna nang sinabi ng PANGINOON kay Josue, “Utusan mo ang mga paring may dala ng Kahon ng Kasunduan, na umahon na sila sa ilog.” At sinunod iyon ni Josue. Kaya umahon ang mga pari na dala ang Kahon ng Kasunduan ng PANGINOON. At pagtapak nila sa pampang, dumaloy ulit ang tubig at umapaw gaya ng dati.