Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 53:3-11

Isaias 53:3-11 ASD

Hinamak siya at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin siya, hinamak, at isinawalang-bahala. Ang totoo, pinasan niya ang mga sakit natin, at tiniis ang mga pighating dapat sanaʼy ating dadanasin. Inakala nating siyaʼy pinarusahan ng Diyos, sinaktan at pinahirapan. Subalit, sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway; dinurog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis niya ay nagdulot sa atin ng kapayapaan. At dahil sa kanyang mga sugat, tayoʼy may kagalingan. Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Ngunit siya ang pinarusahan ng PANGINOON ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat. Inapi siya at sinaktan, ngunit hindi man lang dumaing. Para siyang tupang dadalhin sa katayan upang patayin, o tupang gugupitan na hindi man lang umiimik. Hinuli siya, hinatulan, at pinatay. Walang nakaisip, isa man sa mga salinlahi niya, na pinatay siya dahil sa kanilang mga kasalanan, at kinitil nang maaga ang kanyang buhay, at tiniis niya ang parusang dapat sana ay para sa kanila. Kahit na wala siyang ginawang kasalanan at anumang pandaraya, inilibing siyang parang isang kriminal; inilibing siyang kasama ng mga mayayaman. Ngunit niloob ng PANGINOON na siyaʼy durugin at pahirapan. Kahit na ang kanyang buhay ay ginawang handog ng PANGINOON para sa kapatawaran ng kasalanan, makikita niya ang pagpapatuloy ng kanyang lahi at matatamasa niya ang mahabang buhay. At sa pamamagitan niya ay matutupad ang kalooban ng PANGINOON. Kapag matapos na ang kanyang paghihirap, makikita niya ang liwanag at masisiyahan siya. Dahil sa karunungan ng aking matuwid na lingkod, marami ang ituturing na matuwid, at siya ang papasan sa kaparusahan ng kanilang mga kasalanan.