Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 7:1-16

Genesis 7:1-16 ASD

Sinabi ng PANGINOON kay Noe, “Pumasok ka sa barko kasama ang iyong buong pamilya. Sapagkat sa lahat ng tao sa henerasyong ito, ikaw lang ang nakita kong matuwid. Magdala ka ng pitong pares sa bawat uri ng malinis na hayop, ngunit isang pares lang sa bawat uri ng maruming hayop. At magdala ka rin ng pitong pares sa bawat uri ng ibon. Gawin mo ito upang mabuhay sila sa daigdig. Sapagkat pitong araw mula ngayon, magpapaulan ako sa buong daigdig nang apatnapung araw at apatnapung gabi, upang lipulin ang lahat ng nilikha ko sa balat ng lupa.” Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng PANGINOON sa kanya. Si Noe ay animnaraang taóng gulang na nang bumaha sa daigdig. Pumasok siya sa barko kasama ang asawa niya, mga anak niyang lalaki at ang mga asawa nila upang hindi sila mamatay sa baha. Mga pares ng malinis at maruming hayop, ng mga ibon at ng lahat ng nilalang na gumagalaw sa lupa ay dumating kay Noe at pumasok sa barko, magkakapares na lalaki at babae, ayon sa iniutos ng Diyos kay Noe. At pagkalipas ng pitong araw, bumaha nga sa daigdig. Nang si Noe ay 600 taóng gulang, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, umulan nang napakalakas at umapaw ang lahat ng bukal. Si Noe ay animnaraang taóng gulang na noon. Umulan sa mundo sa loob nang apatnapung araw at apatnapung gabi. Noong mismong araw na nagsimulang umulan, pumasok sa barko si Noe, ang asawa niya at ang tatlo nilang anak na sina Shem, Ham at Jafet kasama ang mga asawa nila. Kasama rin nila ang lahat ng uri ng nilalang: mga hayop na maiilap at maaamo, mga gumagapang at lumilipad. Pares-pares na dumating ang lahat ng nilalang na ito kay Noe at pumasok sa barko. Ang mga pares na pumasok ay lalaki at babae ng lahat ng uri ng nilalang ayon sa utos ng Diyos. Pagkatapos, isinara ng PANGINOON ang pinto ng barko.