Genesis 3:14-24
Genesis 3:14-24 ASD
Kaya sinabi ng PANGINOONG Diyos sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito, parurusahan kita. Sa lahat ng hayop, ikaw lang ang makakaranas ng sumpang ito: Sa buong buhay moʼy gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok. Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.” Sinabi rin niya sa babae, “Dahil sa ginawa mo, dadagdagan ko ang paghihirap mo sa pagbubuntis at mararamdaman mo ang sobrang sakit sa iyong panganganak. Ngunit sa kabila niyan, hahangarin mo pa rin ang iyong asawa at maghahari siya sa iyo.” Sinabi rin niya sa lalaki, “Dahil naniwala ka sa asawa mo at kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal ko sa inyo: Susumpain ko ang lupa! Kaya sa buong buhay mo ay magpapakahirap ka nang husto upang makakain. Tutubo sa lupa ang mga damo at halamang may tinik. Ang kakainin moʼy manggagaling sa mga pananim sa bukid. Kinakailangang magpakahirap ka nang husto upang makakain, hanggang sa bumalik ka sa lupa na iyong pinagmulan. Dahil sa lupa ka nagmula, sa lupa ka rin babalik.” Ang pangalan ng lalaki ay Adan, at pinangalanan niya ang asawa niya na Eva dahil siya ang magiging ina ng lahat ng tao. Pagkatapos, gumawa ang PANGINOONG Diyos ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito. Sinabi ng PANGINOONG Diyos, “Ang tao ay naging katulad na natin na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama. Kinakailangang hindi siya pahintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay, dahil kung kakain siya, mananatili siyang buháy magpakailanman.” Kaya pinalayas siya ng PANGINOONG Diyos sa halamanan ng Eden para sakahin ang lupa na pinagmulan niya. Nang mapaalis na ng PANGINOONG Diyos ang tao, naglagay siya ng mga kerubin sa bandang silangan ng halamanan ng Eden. At naglagay din siya ng espada na naglalagablab at umiikot upang walang makalapit sa puno na nagbibigay ng buhay.





