Deuteronomio 13:1-5
Deuteronomio 13:1-5 ASD
Kung may isang propeta o tagapagpaliwanag ng panaginip na nangako sa inyo, na magpapakita siya ng mga himala at kamangha-manghang bagay, at nangyari ang sinabi niya, at sabihin niya sa inyo, “Sumunod tayo at sumamba sa ibang mga diyos na hindi pa natin nakikilala.” Huwag kayong maniwala sa kanya, dahil sinusubukan lang kayo ng PANGINOON na inyong Diyos kung minamahal nʼyo ba siya nang buong pusoʼt kaluluwa. Ang PANGINOON na inyong Diyos lang ang dapat ninyong sundin at igalang. Tuparin ninyo ang kanyang mga utos at sundin nʼyo siya; paglingkuran siya at manatili kayo sa kanya. Dapat patayin ang propeta o ang tagapagpaliwanag ng panaginip dahil itinuturo niyang magrebelde kayo sa PANGINOON na inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Ehipto at nagligtas sa inyo sa pagkaalipin. Tinatangka ng mga taong ito na ilayo kayo sa mga pamamaraang iniutos ng PANGINOON na inyong Diyos na sundin ninyo. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

