Amos 2
2
Ang Parusa sa Bansang Moab
1Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab:
“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala
ng mga taga-Moab,
parurusahan ko sila.
Sapagkat sinunog nila
ang mga buto ng hari ng Edom
hanggang sa maging abo ito.
2Kaya susunugin ko ang Moab
pati na ang matitibay
na bahagi ng Keriot.#2:2 Keriot: Itoʼy lugar na sakop ng Moab.
Mamamatay ang mga taga-Moab
habang nagsisigawan
at nagpapatunog ng mga trumpeta
ang kanilang mga kaaway
na sumasalakay sa kanila.
3Mamamatay pati ang kanilang hari
at ang lahat ng kanyang mga opisyal,”
sabi ng Panginoon.
Ang Parusa sa Bansang Juda
4Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda:
“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala
ng mga taga-Juda,
parurusahan ko sila.
Sapagkat itinakwil nila
ang aking mga kautusan
at hindi nila sinunod
ang aking mga tuntunin.
Iniligaw sila ng paglilingkod nila
sa mga diyos-diyosang
pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno.
5Kaya susunugin ko ang Juda
pati na ang matitibay na bahagi
ng Jerusalem.”
Ang Parusa sa Bansang Israel
6Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel:
“Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala
ng mga taga-Israel,#2:6 Israel: Noong mahati sa dalawang kaharian ang Israel (1 Hari 2), ang isa ay tinawag na Israel at ang isa ay Juda.
parurusahan ko sila.
Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin
ang mga taong walang kasalanan
dahil lamang sa kanilang utang.
Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap
kahit na isang pares lang na sandalyas
ang utang.
7Ginigipit nila ang mga mahihirap
at hindi binibigyan ng katarungan.
Mayroon sa kanila na mag-amang
nakikipagtalik sa iisang babae.
Dahil dito nilalapastangan nila
ang aking banal na pangalan.
8Natutulog sila sa kanilang sambahan#2:8 sa kanilang sambahan: Sa literal, sa tabi ng bawat altar.
na suot ang damit na isinangla sa kanila
ng mga mahihirap.#2:8 Ayon sa Exo. 22:26‑27 at sa Deu. 24:12‑13, ang damit na isinangla ng dukha ay dapat ibalik sa kanya kinagabihan.
At nag-iinuman sila
sa aking templo ng alak
na binili galing sa ibinayad
ng mga mahihirap
na may utang sa kanila.
9“Ngunit ako, ang ginawa ko
para sa kanila na mga taga-Israel,
nilipol ko ang mga Amoreo,
kahit na kasintaas sila ng punong sedro
at kasintibay ng punong ensina.
Nilipol ko silang lahat
at walang itinirang buhay.
10Inilabas ko rin sa Ehipto
ang mga ninuno ng mga taga-Israel
at pinatnubayan ko sila sa ilang
sa loob ng apatnapung taon
upang masakop nila ang lupain
ng mga Amoreo.
11“Pinili ko ang ilan sa mga anak nila
na maging propeta at Nazareo.
Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo
itong sinasabi ko?”
sabi ng Panginoon.
12“Ngunit ano ang ginawa ninyo?
Pinainom ninyo ng alak
ang mga hinirang kong Nazareo#2:12 Pinainom ninyo ng alak ang mga hinirang kong Nazareo: Upang hindi nila matupad ang kanilang panata sa Diyos na hinding-hindi sila iinom ng alak.
at pinagbawalan ninyo
ang mga propeta
na sabihin ang ipinasasabi ko.
13“Kaya makinig kayo!
Pahihirapan ko kayo
katulad ng kariton
na hindi na halos makausad
dahil sa bigat ng karga.
14Kaya kahit na ang pinakamabilis
tumakbo sa inyo
ay hindi makakatakas,
ang malalakas ay manghihina,
at ang mga sundalo
ay hindi maililigtas ang kanilang sarili.
15Kahit na ang mga sundalong
namamana sa labanan
ay uurong.
Ang mga sundalong mabilis tumakbo
ay hindi makakatakas,
at silang mga nakasakay sa kabayo
ay hindi rin makakaligtas.
16Sa araw na iyon,
kahit ang pinakamatapang na sundalo
ay tatakas na nakahubad,”
sabi ng Panginoon.
Kasalukuyang Napili:
Amos 2: ASD
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.