Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Amos 3

3
Ipinatawag ang mga Saksi Laban sa Israel
1Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Ehipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo:
2“Sa lahat ng bansa sa buong mundo,
kayo lamang ang aking pinili
na maging mga mamamayan ko.
Kaya parurusahan ko kayo
dahil sa lahat
ng inyong mga kasalanan.”
3Maaari bang magsama sa paglalakbay
ang dalawang tao
kung hindi sila magkasundo?
4Umaatungal ba
ang leon sa kagubatan
kung wala siyang mabibiktima?
Aatungal ba siya
sa loob ng kanyang yungib
kung wala siyang nahuli?
5Mahuhuli ba ang ibon
kung walang pain na inilagay sa bitag?
At iigkás ba ang bitag
kung walang nahuli?
6Hindi baʼt nanginginig sa takot
ang mga tao sa tuwing patutunugin
ang trumpeta
na nagpapahiwatig na may paparating
na kaaway?
Mangyayari ba ang kapahamakan
sa isang lungsod
kung hindi ito pinahintulutan
ng Panginoon?
7Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman
ang Makapangyarihang Panginoon
na hindi muna niya ipinababatid
sa kanyang mga lingkod na propeta.
8Sino ang hindi matatakot
kung umaatungal na ang leon?
Sino kaya ang hindi magpapahayag
ng mensahe
ng Makapangyarihang Panginoon
kung ang Makapangyarihang Panginoon
na mismo ang nagsasalita sa kanya?
9Ipahayag ninyo sa mga pinunong nakatira
sa matitibay na bahagi ng Asdod#3:9 Asdod: Isa sa mga pangunahing lungsod ng Filistia at kumakatawan sa buong bansa ng Filistia. at Ehipto,
“Magtipon kayo sa mga burol
sa paligid ng Samaria
at tingnan ninyo ang kaguluhang
nangyayari sa lungsod na ito
at ang panggigipit
sa mga mamamayan nito.”
10Sapagkat ito ang sinasabi
ng Makapangyarihang Panginoon
laban sa Samaria:
“Hindi sila marunong gumawa
ng matuwid.
Ang matitibay na bahagi
ng kanilang lungsod
ay puno ng mga bagay na ninakaw
at sinamsam.”
11Kaya ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon,
“Lulusubin sila ng mga kaaway
at gigibain ang kanilang mga kampo.
Sasamsamin ng mga kaaway
ang mga ari-arian
sa matitibay na bahagi
ng kanilang lungsod.”
12Ito pa ang sinasabi ng Panginoon:
“Ang maililigtas lang ng isang pastol
sa tupang sinisila ng leon
ay maaaring dalawang paa
o isang tainga lamang.
Ganoon din ang mangyayari
sa inyong mga Israelitang nakatira sa Samaria;
wala kayong maililigtas
kundi bahagi na lamang
ng inyong magagandang higaan.”
13Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, Panginoong Diyos ng mga Hukbo, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko at sabihin din ninyo ito sa mga lahi ni Jacob:
14Sa araw na parusahan ko
ang mga taga-Israel
dahil sa kanilang mga kasalanan,
wawasakin ko ang mga altar sa Betel.#3:14 Betel: Isang lugar sa Israel na sinasambahan.
Puputulin ko ang sungay
ng mga sulok ng altar#3:14 Puputulin … altar: Ayon sa 1 Hari 1:50 at 2:28, ang tao na inuusig ay puwedeng humawak sa mga sungay ng mga sulok ng altar, at walang gagalaw nito doon. Kaya ang mga inaasahan ng mga Israelita na magpoprotekta sa kanila ay wawasakin ng Panginoon.
at mahuhulog ang mga ito sa lupa.
15Wawasakin ko
ang kanilang mga bahay
na pangtaglamig
at ang mga bahay na pangtag-init.
Wawasakin ko rin
ang kanilang mamahalin#3:15 mamahalin: Sa literal, mga bahay na may mga bahaging yari sa pangil ng elepante.
at malalaking bahay,”
sabi ng Panginoon.

Kasalukuyang Napili:

Amos 3: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in