Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 28:1-9

Mga Gawa 28:1-9 ASD

Nang makaligtas na kami sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta. Napakabait sa amin ng mga tagaroon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagpaningas sila ng apoy, dahil umuulan at maginaw. Kumuha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Ngunit nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, may makamandag na ahas na biglang lumabas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay. Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng diyosa ng katarungan na mabuhay pa siya.” Ngunit ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at walang masamang nangyari sa kanya. Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Ngunit matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang isip nila at nasabi na isa siyang diyos. Si Publio ang pinuno ng lugar na iyon at malapit sa kanyang lupa ang lugar na napuntahan namin. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw. Nagkataon noon na ang ama ni Publio ay may sakit na lagnat at disenteriya. Kaya pumasok si Pablo sa silid nito, nanalangin, at ipinatong niya ang kanyang kamay sa maysakit at gumaling ito. Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng maysakit sa isla ay pumunta sa amin at napagaling din sila.