Bilang mga katuwang sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong balewalain ang biyaya ng Diyos na inyong natanggap. Sapagkat sinabi ng Diyos,
“Dininig kita sa tamang panahon,
at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”
Kaya sinasabi ko sa inyo, ngayon na ang tamang panahon! Ngayon na ang araw ng kaligtasan.
Hindi kami gumagawa ng kahit na anong ikakatisod ng ibang tao, upang hindi mapintasan ang paglilingkod namin sa Diyos. Sa lahat ng aming ginagawa, sinisikap naming ipakita na kami ay totoong mga lingkod ng Diyos. Tinitiis namin ang anumang hirap, pasakit, kagipitan, pambubugbog, pagkakakulong, at panggugulo ng mga galit na tao. Sobrang pagod kami sa pagtatrabaho, halos wala kaming tulog at wala ring makain. Nakikita sa amin ang malinis na puso, kaalaman, pagtitiyaga at kagandahang-loob, ang patnubay ng Banal na Espiritu, ang tapat na pag-ibig, at tapat na pananalita, at ang kapangyarihan ng Diyos. Ang aming pagiging matuwid ang sandata namin na panlaban at panangga sa kaaway. Kami ay pinararangalan at hinahamak, sinisiraan at pinupuri. Itinuturing kaming mga manlilinlang, kahit kamiʼy tapat. Tanyag kami, bagamaʼt may mga hindi kumikilala sa amin. Palagi kaming nasa bingit ng kamatayan, ngunit buháy pa rin hanggang ngayon. Pinaparusahan kami ngunit hindi pinapatay. Itinuturing kaming nalulungkot, ngunit palagi kaming masaya. Mahirap lang kami, ngunit marami kaming pinapayaman. Wala kaming pag-aari sa mundong ito, ngunit ang totoo, sagana kami sa lahat ng bagay.