YouVersion Logo
Search Icon

ANG MGA HULING SALITA NI JESUS: Pitong Pagbubulay Para sa Mahal na ArawSample

ANG MGA HULING SALITA NI JESUS: Pitong Pagbubulay Para sa Mahal na Araw

DAY 2 OF 7

IKALAWANG ARAW: HULI NA BA ANG LAHAT?

Basahin: Lucas 23:32-43

Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.” [LUCAS 23:43]

Kilala si Christopher Hitchens bilang atheist o hindi naniniwala sa Diyos. Aktibo siyang nakipagdebate sa mga nagtitiwala kay Jesus. Ngunit sa kanyang mga huling araw ng pakikipaglaban sa kanser, sinabi niyang kung may magsasabing nagtiwala siya kay Jesus bago siya pumanaw, tanda raw iyon na nawala na siya sa katinuan. Pagkatapos niyang mamatay, isang kaibigan at dating katunggali sa debate ang nagsabing maaaring sinabi ito ni Christopher dahil alam niyang kapag nariyan na ang kamatayan, posibleng lumapit siya kay Cristo. At bakit hindi? Maaaring labanan ng isang tao ang Diyos sa buong buhay niya, ngunit sa huling sandali, kung hihingi siya ng kapatawaran at magtitiwala kay Jesus ay mararanasan pa rin niya ang habag at pagliligtas ng Diyos. Hindi ito imposible dahil nangyari na ito noon.

Ganoon nga ang naranasan ng isa sa magnanakaw na nakapako sa krus. Namuhay siya sa kasamaan. Bilang pag-amin, sinabi niya sa kanyang kapwa kriminal, “Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!” (Lucas 23:41). Nasa huling oras na siya ng kanyang buhay. At sa tindi ng kanyang sakit at paghihirap, muntik na niyang masayang ang kanyang pagkakataon.

Sa simula kasi, nakisali pa siya sa panlalait at pangungutya kay Jesus (Marcos 15:32). Ngunit habang nakapako siya sa krus at naghihintay sa kamatayan, lumapit siya sa kanyang huling pag-asa: “Jesus, alalahanin N’yo ako kapag naghahari na kayo” (Lucas 23:42).

Nais iligtas ng Diyos ang lahat, pati ang mga taong nasa dulo na ng kanilang buhay. Kaya naman, sa halip na tumuon tayo sa mga mali nating nagawa, tumingin tayo kay Jesus. Hindi pa huli ang lahat. —MIKE WITTMER

Ano ang pinakamalaking pagsisisi mo sa buhay?
Bakit mo naiisip na hindi ka na mapapatawad?

Panginoong Jesus, sa Iyo lamang po ako tumitingin, dahil Ikaw lamang ang makapagliligtas sa akin.

Scripture

Day 1Day 3

About this Plan

ANG MGA HULING SALITA NI JESUS: Pitong Pagbubulay Para sa Mahal na Araw

Habang nakapako sa krus, sinambit ni Jesus ang pitong mga kataga. Ngunit hindi lamang ito mga simpleng salita. Kapahayagan ang bawat isa sa mga ito ng pag-asa, kapatawaran, at kaligtasang maaari nating makamit kung magtitiwala tayo kay Jesus. Ating tuklasin ang lalim ng pag-ibig ng Diyos para sa atin.

More