Pahayag 15
15
Ang Panghuling mga Salot
1Isa pang kagila-gilalas na tanda ang nakita ko sa langit. May pitong anghel doon na may dalang pito pang salot. Iyon ang panghuling mga salot na ipapadala ng Diyos bilang parusa sa mga tao.
2At nakita ko ang parang dagat na kasinlinaw ng kristal na may nagliliyab na apoy. Nakatayo roon ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa imahen nito. Hindi sila nagpatatak ng numero na simbolo ng pangalan ng halimaw na iyon. May hawak silang mga alpa na ibinigay sa kanila ng Diyos. 3Umaawit sila ng awit ni Moises na lingkod ng Diyos, na siya ring awit ng Kordero. Ito ang awit nila:
“Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat,
kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Kayo ay makatarungan at makatotohanan,
kayo ang Hari ng mga bansa.#15:3 Sa ilang manuskrito, kayo ang Hari sa buong panahon.
4Sino ang hindi matatakot sa inyo, Panginoon?
Sino ang hindi magbibigay luwalhati sa inyong pangalan?
Kayo lamang ang banal.
Lalapit at sasamba sa inyo
ang mga tao sa lahat ng bansa,
sapagkat nakita na ng lahat
ang matuwid ninyong gawa.”#15:4 Hinango mula sa Salmo 111:2, 3; Deu. 32:4; Jer. 10:7; Salmo 86:9; 98:2.
5Pagkatapos nito, nakita ko na bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Tipanan, kung saan nakalagay ang Kautusan. 6At mula roon sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng malinis at kumikinang na damit na gawa sa lino at may gintong pamigkis sa kanilang dibdib. 7Ang isa sa apat na buháy na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng tig-iisang sisidlang ginto na puno ng mga parusa ng Diyos na nabubuhay magpakailanman. 8Napuno ng usok ang Templo dahil sa kaluwalhatian at kapangyarihan ng Diyos. At walang makakapasok doon hanggaʼt hindi pa natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel.
Currently Selected:
Pahayag 15: ASD
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.