Pahayag 14
14
Ang Kordero at ang 144,000
1Pagkatapos, nakita ko ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion. Kasama niya ang 144,000 tao. Nakasulat sa noo nila ang pangalan ng Kordero at ng kanyang Ama. 2Nakarinig ako ng tunog mula sa langit, na parang lagaslas ng talon o dagundong ng malakas na kulog. Para itong tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. 3Ang 144,000 tao ay umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng matatandang pinuno. Walang sinumang matututo ng awit na iyon maliban sa 144,000 na tinubos mula sa mundo. 4Sila ang mga lalaking hindi nadumihan dahil hindi sila sumiping sa mga babae. Sumunod sila sa Kordero kahit saan siya pumunta. Tinubos sila mula sa sangkatauhan upang maging unang handog sa Diyos at sa Kordero. 5Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.
Ang Tatlong Anghel
6At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid. Dala niya ang walang kupas na Magandang Balita upang ipangaral sa mga tao sa buong mundo, sa lahat ng bansa, angkan, wika, at lahi. 7Ito ang isinisigaw niya, “Matakot kayo sa Diyos, at purihin ninyo siya, dahil dumating na ang oras ng paghatol niya ang lahat. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat at mga bukal.”
8Kasunod namang lumipad ang pangalawang anghel na sumisigaw, “Bumagsak na! Bumagsak na ang Dakilang Babilonia!#14:8 Isa. 21:9. Ang mga mamamayan nito ang humikayat sa mga tao sa buong mundo na sumunod sa imoralidad nila na kinamumuhian ng Diyos.”
9Sumunod pa ang isang anghel sa dalawang anghel na nauna. Sumisigaw din siya, “Kung sinuman ang sumamba sa halimaw at sa imahen nito, at tumanggap ng tatak nito sa noo o sa kanang kamay, 10ay paiinumin ng alak ng poot ng Diyos na ibinuhos na walang halo sa kopang naglalaman ng kanyang galit#14:10 galit: Ang ibig sabihin, “mararanasan nila ang buong lakas ng poot ng Diyos.”. Siyaʼy parurusahan sa nagniningas na apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at ng Kordero. 11Ang usok na galing sa paghihirap ng mga taong ito ay papailanlang magpakailanman. Araw-gabi ay wala silang pahinga, dahil sinamba nila ang halimaw at ang imahen nito at nagpatatak ng pangalan nito.” 12Itoʼy panawagan na maging matiisin ang mga hinirang ng Diyos, silang sumusunod sa kanyang mga utos at nananatiling tapat kay Hesus.
13Pagkatapos, may narinig akong tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga taong namatay na naglilingkod sa Panginoon.
“Mula ngayon,” sabi ng Espiritu, “makakapagpahinga na sila sa mga paghihirap nila, dahil tatanggapin na nila ang gantimpala para sa mabubuti nilang gawa.”
Ang Pag-ani sa Mundo at Paggiik sa Ubasan
14Pagkatapos, nakakita ako ng maputing ulap na may nakaupong parang Anak ng Tao.#14:14 Tingnan sa Dan. 7:13. May gintong korona siya at may hawak na isang matalim na karit. 15At may isa pang anghel na lumabas mula sa templo at sumigaw sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang karit mo at gumapas ka na, sapagkat panahon na ng pag-aani. Hinog na ang aanihin sa lupa!” 16Kaya ginamit ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapas ang anihín sa lupa.
17Nakita ko ang isa pang anghel na lumabas sa templo roon sa langit, at may karit din siyang matalim.
18At mula sa altar ay lumabas ang isa pang anghel na siyang namamahala sa apoy ng altar. Sumigaw siya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang karit mo at anihin mo na ang mga ubas sa lupa dahil hinog na ang mga ito!” 19Kaya ginamit ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas sa lupa, at itinapon ang mga ito sa malaking pisaan. Ang pisaang ito ay ang poot ng Diyos. 20Pinisa ang mga ubas sa pisaan na nasa labas ng lungsod, at mula rooʼy may umagos na dugo na umabot sa 1,600 estadia#14:20 Humigit-kumulang 300 kilometro. ang layo at hanggang renda ng kabayo ang taas.
Currently Selected:
Pahayag 14: ASD
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.