Kawikaan 8
8
Ang Panawagan ng Karunungan
1Ang karunungan at pang-unawa
ay katulad ng taong nangangaral.
2Tumatayo siya sa matataas na lugar
sa tabi ng daan, sa mga kanto,
3sa mga pintuan ng lungsod
at mga daanan.
Nangangaral siya nang malakas,
4“Kayong mga tao sa buong mundo,
pakinggan ninyo ang panawagan ko.
5Kayong mga walang alam,
magkaroon kayo ng karunungan.
Kayong mga mangmang
magkaroon kayo ng pang-unawa.
6Makinig kayo sa sasabihin ko,
sasambitin ko ang mga bagay
na wasto at mahusay.
7Ang sinasabi ko
ay pawang katotohanan lamang;
sa nagsasalita ng masama
ako ay nasusuklam.
8Pawang matuwid ang sinasabi ko;
hindi ako nagsasalita ng kasinungalingan
o pandaraya.
9Ang lahat ng sinasabi ko
ay malinaw at pawang tama
sa taong may pang-unawa.
10Pahalagahan ninyo ang karunungan
at ang pagtutuwid ko
sa inyong ugali
kaysa sa pilak at ginto.
11Sapagkat higit na mahalaga
ang karunungan kaysa
sa mamahaling hiyas
at hindi ito matutumbasan
ng mga bagay na hinahangad mo.
12“Ako ang karunungan
at alam ko kung paano unawain
ang tama at mali,
at alam ko rin kung paano
magpasya nang tama.
13Ang may takot sa Panginoon
ay lumalayo sa kasamaan.
Namumuhi ako sa kapalaluan, kayabangan,
pagsisinungaling at masamang pag-uugali.
14Magaling akong magpayo
at may sapat na kaalaman.
May pang-unawa at kapangyarihan.
15Sa pamamagitan ko
nakakapamuno ang mga hari
at ang mga pinunoʼy nakagagawa
ng mga tamang batas.
16Sa pamamagitan ko
makakapamuno ang mga tagapamahala
at mga opisyal;
ang lahat na namumuno nang matuwid.#8:16 mga opisyal … matuwid: Sa Septuagint at ibang tekstong Hebreo, mga pinuno na namumuno sa mundo.
17Minamahal ko ang mga nagmamahal sa akin;
makikita ako ng mga naghahanap sa akin.
18Makapagbibigay ako ng kayamanan, karangalan,
kaunlaran at tagumpay na magtatagal.
19Ang maibibigay ko ay higit pa
sa purong ginto at pilak.
20Sinusunod ko ang tama at matuwid.
21Bibigyan ko ng kayamanan
ang nagmamahal sa akin;
pupunuin ko ang lalagyan nila
ng kayamanan.
22“Bilang una sa kanyang mga gawa,
nilikha ako ng Panginoon
bago pa man ang lahat.
23Akoʼy nilikha niya
noong unang panahon,
sa pasimula, nang ang mundo ay nabuo.
24Noong wala pang karagatan,
ako ay isinilang
noong wala pang mga bukal
na nag-uumapaw sa tubig,
25bago pa maitatag ang mga kabundukan
bago ang mga kaburulan,
ako ay isinilang,
26bago pa ginawa ng Diyos ang mundo
maging ang kabukiran,
o ang alabok sa lupa.
27Naroon na ako nang likhain niya ang langit,
maging nang likhain niya
ang tagpuan ng langit at ng lupa.
28Naroon din ako nang likhain niya
ang mga ulap,
nang palabasin niya ang tubig
sa mga bukal mula sa kailaliman,
29nang ilagay niya ang hangganan
ng mga dagat
upang hindi ito umapaw,
at nang ilagay niya
ang mga pundasyon ng mundo.
30Akoʼy nasa tabi niya bilang arkitekto.
Ako ang kanyang kasiyahan sa araw-araw,
at palagi rin akong masaya
sa piling niya.
31Natutuwa ako sa mundong nilikha niya
at sa mga taong inilagay niya dito.
32“Kaya ngayon mga anak, pakinggan ninyo ako.
Mapalad ang mga sumusunod
sa pamamaraan ko.
33Pakinggan ninyo ang mga pagtutuwid ko
sa inyong pag-uugali
upang maging marunong kayo,
at huwag ninyo itong kalilimutan.
34Mapalad ang taong palaging sa akin
nakatuon ang isip
at naghihintay upang makinig sa akin.
35Sapagkat ang taong makakasumpong sa akin
ay magkakaroon ng buhay,
at pagpapalain siya ng Panginoon.
36Ngunit ang taong
hindi makakasumpong sa akin
ay ipinapahamak ang kanyang sarili.
Ang mga galit sa akin
ay naghahanap ng kamatayan.”
Currently Selected:
Kawikaan 8: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Kawikaan 8
8
Papuri sa Karunungan
1Hindi#Kaw. 1:20-21. mo ba naririnig ang tawag ng karunungan,
at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan?
2Nasa dako siyang mataas,
sa tagpuan ng mga landas;
3nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan,
nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw:
4“Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,
para nga sa lahat itong aking panawagan.
5Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat,
at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas.
6Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga,
bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
7Pawang katotohanan itong aking bibigkasin,
at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
8Itong sasabihin ko ay pawang matuwid,
lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
9Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa,
at sa marurunong ito ay pawang tama.
10Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak,
at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.
11“Pagkat#Ecc. 24:1-22. akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas,
anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
12Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan,
itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan.
13Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan.
Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan,
sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan.
14Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan,
ganoon din naman, unawa't kapangyarihan.
15Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala,
nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama.
16Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula,
at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila.
17Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal,
kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan.
18Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay,
kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay.
19Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay,
mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay.
20Ang landas kong dinaraanan, ay daan ng katuwiran,
ang aking tinatahak, ay landas ng katarungan.
21Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman,
aking pinupuno ang kanilang mga sisidlan.
22“Sa#Ecc. 1:4, 9; Pah. 3:14. lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una,
noong una pang panahon ako ay nalikha na.
23Matagal nang panahon nang anyuan niya ako,
bago pa nalikha at naanyo itong mundo.
24Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw,
wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw.
25Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok,
nang ako ay isilang dito sa sansinukob.
26Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid,
nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig.
27Nang#Kar. 9:9; Ecc. 24:3-6. likhain ang mga langit, ako ay naroroon na,
maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga.
28Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay,
at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman.
29Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat,
nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag,
30ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain,
ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw.
31Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos,
dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos.
32“At#Ecc. 14:20-27. ngayon, aking anak, ako nga ay pakinggan,
sundin ang payo ko't liligaya ang iyong buhay.
33Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo,
huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.
34Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig,
sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig.
35Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay,
at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan.
36Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan,
ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.”
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society