Kawikaan 7
7
Babala Laban sa Babaeng Nangangalunya
1Anak, sundin mo ang mga sinasabi ko sa iyo.
Itanim mo ito sa iyong isipan at
2sundin ang mga iniuutos ko,
upang humaba ang buhay mo.
Ingatan mong mabuti
ang mga itinuturo ko
katulad ng pag-iingat mo
sa iyong mga mata.
3Itanim mo sa iyong isipan
upang hindi mo makalimutan.
4Ituring mong kapatid na babae
ang karunungan
at ang pang-unawa gaya ng isang
malapít na kaibigan.
5Sapagkat ilalayo ka nila
sa masamang babaeng
nakakaakit ang pananalita.
6Sa bintana ng aking bahay
dumungaw ako sa kurtina.
7Nakita ko ang mga kabataang lalaki
na wala pang muwang sa buhay.
Isa sa kanila
ay salat sa karunungan.
8Lumalakad siya patungo sa kanto
kung saan naroroon ang bahay
ng isang masamang babae.
9Takip-silim na noon
at malapit nang dumilim.
10Sinalubong siya
ng isang babaeng ang suot
ay katulad ng suot
ng isang babaeng bayaran.
Nakapagplano na siya
ng gagawin sa lalaking iyon.
11Maingay siya at hindi mahiyain.
Hindi siya nananatili sa bahay.
12Madalas siyang makita
sa mga lansangan, sa mga liwasan,
at sa mga kantong tambayan.
13Paglapit ng lalaki
ay agad niya itong hinalikan
at walang hiya-hiyang sinabi:
14“Katatapos ko lang tuparin
ang panata ko sa Diyos
at may natira pang pagkain
doon sa bahay
mula sa aking handog pangkapayapaan.
15Kaya akoʼy lumabas
upang sa iyoʼy makipagkita.
Hinanap kita at sa wakas
ay natagpuan din kita.
16Sinapinan ko na ang aking higaan
ng makulay na telang lino
mula pa sa Ehipto.
17Nilagyan ko iyon ng pabangong
mira, aloe, at sinamon.
18Kaya halika na, doon tayo
magpakaligaya hanggang umaga,
19dahil wala rito ang aking asawa.
Naglakbay siya sa malayo.
20Marami siyang dalang pera
at dalawang linggo pa
bago siya bumalik.”
21Kaya naakit niya ang lalaki
sa pamamagitan ng kanyang matatamis
at nakakaakit na pananalita.
22Sumunod agad ang lalaki
na tulad ng bakang hinihila papunta sa katayan,
o tulad ng isang usa#7:22 usa: Ito ang nasa tekstong Syriac. Sa Hebreo, mangmang o hangal. na patungo sa bitag,
23at dooʼy papanain siyang
tatagos sa kanyang puso.
Para din siyang isang ibong nagmamadali
papunta sa bitag ng kamatayan,
ngunit hindi niya ito nalalaman.
24Kaya mga anak, pakinggan ninyong mabuti
ang aking mga sinasabi.
25Huwag kayong paaakit sa ganyang uri ng babae
at huwag ninyong hayaan na kayoʼy kanyang iligaw.
26Marami na ang mga lalaking napahamak
dahil sa kanya.
27Kapag pumunta kayo sa bahay niya,
para na rin kayong pumunta
sa mundo ng mga patay.
Currently Selected:
Kawikaan 7: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Kawikaan 7
7
1Aking anak, salita ko sana ay ingatan,
itanim sa isip at huwag kalimutan.
2Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal,
turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata.
3Ito'y itali mo sa iyong mga kamay,
at sikapin mong matanim sa iyong isipan.
4Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid,
at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik.
5Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya,
nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita.
Ang Babaing Mapangalunya
6Ako ay dumungaw sa bintanang bukás,
at ako'y sumilip sa pagitan ng rehas,
7ang aking nakita'y maraming kabataan,
ngunit may napansin akong isang mangmang.
8Naglalakad siya sa may panulukan,
ang tinutungo'y sa babaing tahanan.
9Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa,
sa lalim ng hatinggabi, kapag tulog na ang madla.
10Ang babae ang sa kanya'y sumalubong sa pintuan,
mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan.
11Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot,
di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot.
12Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan,
walang anu-ano'y sa panulukan, doon siya nag-aabang.
13Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik,
at ang kanyang sasabihing punung-puno ng pang-akit:
14“Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog,
katatapos ko lang tupdin ang panata ko sa Diyos.
15Ako ay narito upang ika'y salubungin,
mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin.
16Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal,
linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang kulay.
17Ito'y aking winisikan ng pabangong mira,
bukod pa sa aloe at mabangong kanela.
18Halika at bigyang daan, damdamin ng isa't isa,
ang magdamag ay ubusin sa paglasap ng ligaya.
19Ako ay nag-iisa, asawa ko'y nasa malayo,
pagkat siya ay umalis sa ibang lugar nagtungo.
20Marami ang baon niyang salapi,
pagbilog pa ng buwan ang kanyang uwi.”
21Sa salitang mapang-akit ang lalaki ay nahimok,
sa matamis na salita, damdamin niya ay nahulog.
22Maamo siyang sumunod sa babae at pumasok,
parang bakang kakatayin, sa matador ay sumunod,
mailap na usa, sa patibong ay nahulog,
23hanggang sa puso nito ang palaso ay maglagos.
Isang ibong napasok sa lambat ang kanyang nakakatulad,
hindi niya namalayang buhay pala ang katumbas.
24Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig,
at dinggin mo ang salitang mula sa aking bibig.
25Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit,
ng babaing ang tuntunin ay landasing nakalihis,
26sapagkat marami na ang kanyang naipahamak,
at hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang yapak.
27Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian,
tiyak na patungo sa malagim na kamatayan.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society