Kawikaan 4
4
Magkaroon ng Karunungan sa Anumang Paraan
1Mga anak, pakinggan ninyong mabuti
ang mga pagtutuwid ng inyong ama
sa inyong pag-uugali,
upang lumawak
ang inyong pang-unawa.
2Mabuti ang itinuturo kong ito,
kaya huwag ninyong ipagwalang bahala.
3Noong bata pa ako
at nasa piling pa ng aking mga magulang,
mahal na mahal ako ng aking ina
bilang nag-iisang anak.
4Tinuruan ako ni ama.
Sinabi niya sa akin,
“Anak, ingatan mo sa iyong puso
ang mga itinuturo ko.
Sundin mo ang mga utos ko
at mabubuhay ka nang matagal.
5Pagsikapan mong magkaroon
ng karunungan at pang-unawa.
Huwag mong kalilimutan
ang mga sinasabi ko
at huwag kang hihiwalay dito.
6Huwag mong tanggihan ang karunungan,
sa halip pahalagahan mo ito,
dahil iingatan ka nito.
7Pinakamahalaga sa lahat
ang karunungan at pang-unawa.
Sikapin mong magkaroon nito
kahit na maubos pa ang lahat
ng kayamanan mo.
8Tanggapin moʼt pahalagahan
ang karunungan,
dahil magbibigay ito
sa iyo ng karangalan.
9Magiging parang koronang bulaklak ito
na magbibigay sa iyo ng kagandahan.”
10Anak, pakinggan mo at tanggapin
ang mga sinasabi ko sa iyo
upang humaba ang iyong buhay.
11Tinuruan na kita ng karunungan,
kung paano mamuhay sa katuwiran.
12Kapag ikaw ay naglalakad,
walang haharang sa iyong mga hakbang.
Kapag ikaw ay tumatakbo,
hindi ka matatalisod.
13Huwag mong kalilimutan
ang pagtutuwid ko sa iyong pag-uugali;
ingatan mo ito sa puso mo
sapagkat mabubuhay ka
sa pamamagitan nito.
14Huwag mong susundan
ang daan ng mga masasamâ.
Huwag mong gagayahin
ang ginagawa nila.
15Iwasan mo ito
at huwag itong dadaan.
Talikuran mo ito
at magpatuloy sa matuwid na daan.
16Sapagkat ang taong masama
ay hindi makatulog
kapag hindi nakakagawa ng masama
o walang naipapahamak.
17Ang pagkain nila ay paggawa ng kasamaan
at ang inumin nila ay paggawa
ng karahasan.
18Ang pamumuhay ng taong matuwid
ay parang sikat ng araw
na lalong nagliliwanag
habang tumatagal.
19Ngunit ang pamumuhay ng taong masama
ay parang kadiliman;
hindi niya alam kung ano ang dahilan
ng kanyang pagbagsak.
20Anak, pakinggan mong mabuti
ang itinuturo ko sa iyo.
21Huwag mo itong kalilimutan
kundi ingatan sa puso mo.
22Sapagkat magbibigay ito
ng malusog na katawan
at buhay sa sinumang
makakasumpong nito.
23Higit sa lahat, ingatan mo
ang iyong isipan,
sapagkat kung ano ang iyong iniisip
iyon din ang magiging buhay mo.
24Huwag kang magsalita
ng kasinungalingan at walang kabuluhan.
25Ituon mo ang iyong paningin
sa mga bagay na mabuti.
26Pag-isipan mong mabuti
ang iyong mga gagawin
upang magtagumpay ka.
27Mamuhay ka sa katuwiran
at layuan mo ang kasamaan.
Currently Selected:
Kawikaan 4: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Kawikaan 4
4
Ang Payo ng mga Magulang
1Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng inyong ama,
sasainyo ang unawa kung laging diringgin siya.
2Pagkat tiyak na mabuti itong aking sinasabi,
kaya't aking mga katuruan huwag mong isantabi.
3Noong ako ay bata pa, nasa kupkop pa ni ama,
batambata, walang malay, tanging anak nga ni ina,
4itinuro niya sa akin at kanyang sinabi,
“Sa aking mga aral buong puso kang manangan,
sundin mo ang aking utos at ikaw ay mabubuhay.
5Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran,
ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan.
6Huwag mo itong pabayaan at ika'y kanyang iingatan,
huwag mo siyang iiwanan at ika'y kanyang babantayan.
7Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan,
ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal.
8Karununga'y pahalagahan at ika'y kanyang itataas,
bibigyan kang karangalan kapag iyong niyakap.
9Siya'y korona sa ulo, sakdal ganda, anong inam,
at putong ng kaluwalhatian sa iyong katauhan.”
10Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin,
lalawig ang iyong buhay, maraming taon ang bibilangin.
11Ika'y pinatnubayan ko sa daan ng karunungan,
itinuro ko sa iyo ang daan ng katuwiran.
12Hindi ka matatalisod sa lahat ng iyong hakbang,
magmabilis man ng lakad ay hindi ka mabubuwal.
13Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan,
ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong buhay.
14Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran,
at ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan.
15Kasamaa'y iwasan mo, ni huwag lalapitan,
bagkus nga ay talikuran mo, tuntunin ang tamang daan.
16Sila'y hindi makatulog kapag di nakagawa ng masama,
at hindi matahimik kapag nasa'y di nagawa.
17Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan,
ang kanilang iniinom ay bunga ng karahasan.
18Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway,
tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal.
19Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman,
ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal.
20Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
21Huwag itong babayaang mawala sa paningin,
sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim.
22Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay,
nagbibigay kalusuga't kagalingan ng katawan.
23Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan,
pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.
24Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay,
ilayo ang mga labi sa kasinungalingan.
25Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw,
ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan.
26Siyasatin#Heb. 12:13. mong mabuti ang landas na lalakaran,
sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay.
27Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan;
humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society