Kawikaan 3
3
Ang Kabutihang Dulot ng Karunungan
1Anak, huwag mong kalilimutan
ang mga itinuturo ko sa iyo.
Ingatan mo sa iyong puso
ang mga iniuutos ko,
2sapagkat ito ang magpapahaba
at magpapaunlad ng iyong buhay.
3Manatili kang mapagmahal at matapat;
alalahanin mo itong lagi
at itatak sa iyong isipan.
4Kapag ginawa mo ito,
malulugod ang Diyos
pati na ang mga tao.
5Magtiwala ka nang buong puso
sa Panginoon
at huwag kang manalig
sa iyong sariling karunungan.
6Alalahanin mo ang Panginoon
sa lahat ng iyong ginagawa
at ituturo niya sa iyo ang tamang landas.
7Huwag mong isiping
napakarunong mo na.
Matakot ka sa Panginoon,
at huwag gumawa ng masama.
8Para iyon sa ikabubuti
at ikalalakas ng iyong katawan.
9Parangalan mo ang Panginoon
sa pamamagitan
ng paghahandog sa kanya
ng mga unang bunga ng iyong ani.
10Kapag ginawa mo ito, mapupuno ng ani
ang iyong mga bodega
at aapaw ang inumin sa iyong mga sisidlan.
11Anak, huwag mong mamasamain
kapag itinutuwid ka ng Panginoon.
Huwag mong kasuklaman
ang kanyang pagsaway.
12Sapagkat itinutuwid ng Panginoon
ang ugali ng kanyang mga minamahal,
katulad ng ginagawa ng isang ama
sa kanyang anak na kinalulugdan.
13Pinagpala ang mga taong
natagpuan ang karunungan,
gayundin ang mga taong
nakamtan ang kaunawaan.
14Sapagkat mas mainam pa ito kaysa pilak,
at mas higit pa ang bunga nito kaysa ginto,
15at sa ano pa mang mga mamahaling bato.
Walang anumang bagay
ang maaaring ipantay dito.
16Magpapahaba ito ng iyong buhay,
magpapaunlad ng iyong kabuhayan
at magbibigay sa iyo ng karangalan.
17Ang karunungan
ay magpapabuti ng iyong kalagayan.
18Mapalad ang taong may karunungan,
dahil magbibigay ito ng mabuti
at mahabang buhay.
19-20Sa pamamagitan ng karunungan,
nilikha ng Panginoon ang lupa
at ang langit,
at bumukas ang mga bukal
at mula sa mga ulap ay bumuhos ang ulan.
21Anak, ingatan mo ang iyong karunungan
at kaalaman sa pagpapasya ng tama.
Huwag mong hayaang
mawala ito sa iyo.
22Sapagkat ito ang magbibigay sa iyo
ng mahaba at magandang buhay.
23Mabubuhay kang ligtas
sa anumang kapahamakan.
24Makakatulog ka nang mahimbing
at walang kinakatakutan.
25Hindi ka dapat matakot kung biglang dumating
ang mga pangyayaring nakakatakot
o kung lilipulin na ang masasamâ,
26dahil makakaasa kang babantayan ka
ng Panginoon
at ilalayo sa kapahamakan.
27Huwag mong pagkaitan ng tulong
ang mga nangangailangan nito
kung may kakayanan
kang tumulong sa kanila.
28Huwag mo nang ipagpabukas pa,
kung kaya mo naman silang tulungan ngayon.
29Huwag mong pagplanuhan ng masama
ang kapitbahay mong nagtitiwala sa iyo.
30Huwag kang makipagtalo sa kapwa mo
nang walang sapat na dahilan,
lalo na kung wala naman siyang
ginawang masama sa iyo.
31Huwag mong kainggitan ang taong malupit
o gayahin ang kanyang mga ginagawa.
32Sapagkat nasusuklam ang Panginoon
sa mga taong baluktot ang pag-iisip,
ngunit nagtitiwala siya sa mga namumuhay
nang matuwid.
33Isinusumpa ng Panginoon
ang sambahayan ng masasamâ,
ngunit pinagpapala niya
ang sambahayan ng mga matuwid.
34Hinahamak niya ang mga nanghahamak ng kapwa,
ngunit binibiyayaan niya
ang mga mapagpakumbaba.
35Ang mga marunong ay pararangalan,
ngunit ang mga hangal
ay ilalagay sa kahihiyan.
Currently Selected:
Kawikaan 3: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Kawikaan 3
3
Payo sa mga Kabataang Lalaki
1Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin,
lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim;
2upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay,
at maging masagana sa lahat ng kailangan.
3Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran,
ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan.
4Sa#Lu. 2:52. gayon, malulugod sa iyo ang Diyos,
at kikilalanin ka ng mga tao.
5Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan,
at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.
6Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin,
upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
7Huwag#Ro. 12:16. mong ipagyabang ang iyong nalalaman;
igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan.
8Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag,
mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.
9Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan,
at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan.
10Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw,
sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.
11Aking#Job 5:17. #Heb. 12:5-6. anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin,
at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil,
12pagkat#Pah. 3:19. lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan,
tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang.
13Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan,
at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo.
14Higit pa sa pilak ang pakinabang dito,
at higit sa gintong lantay ang tubo nito.
15Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan,
at walang kayamanang dito ay maipapantay.
16Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman,
may taglay na kayamanan at may bungang karangalan.
17Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman,
at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw.
18Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan,
para siyang punongkahoy na mabunga kailanman.
19Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig,
sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit.
20Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig,
pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit.
Ang Matiwasay na Pamumuhay
21Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala,
huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita.
22Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay.
23At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay,
sa landas mo'y hindi ka matatalisod.
24Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin,
at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing.
25Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan,
hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang.
26Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo,
at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo.
27Ang#Ecc. 4:3. kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa,
kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ.
28Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan,
huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.”
29Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan
na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan.
30Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan,
kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan.
31Huwag kang maiinggit sa taong marahas
ni lalakad man sa masama niyang landas.
32Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot,
ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot.
33Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama,
ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala.
34Ang#San. 4:6; 1 Ped. 5:5. mga palalo'y kanyang kinasusuklaman,
ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban.
35Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan,
ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society