Kawikaan 5
5
Babala Laban sa Pakikiapid
1Anak, pakinggan mong mabuti
ang mga sasabihin kong may karunungan,
2upang malaman mo ang pagpapasya ng tama
at matuto ka ring magsalita
nang may karunungan.
3Ang salita ng masamang babae
ay kasintamis ng pulot
at banayad tulad ng langis.
4Ngunit pagkatapos ay pait at sakit
ang iyong makakamit
na para bang sugat na mula
sa espadang magkabila ang talim.
5Kung susunod ka sa kanya,
dadalhin ka niya sa kapahamakan,
sapagkat ang nilalakaran niya
ay patungo sa kamatayan.
6Hindi niya pinapansin
ang daan patungo sa buhay.
Ang dinadaanan niyaʼy liku-liko
at hindi niya ito nalalaman.
7Kaya mga anak,
pakinggan ninyo ako at sundin.
8Lumayo kayo sa babaeng masama,
at huwag kayong lumapit sa pintuan
ng kanyang bahay.
9Dahil baka masira ang inyong dangal
at mapunta sa iba,
at mamatay kayo sa kamay
ng mga taong walang awa.
10At ang lahat ng kayamanan ninyo
at ang inyong mga pinagpaguran
ay mapupunta sa iba,
sa mga taong hindi ninyo kilala.
11Saka kayo mananangis
kapag malapit na kayong mamatay,
kapag butoʼt balat na lamang
at wala nang lakas.
12Saka ninyo sasabihin,
“Sayang hindi ko kasi pinansin
ang mga pagtutuwid sa akin;
nagmatigas ako at sinunod ang gusto ko.
13Hindi ako nakinig sa aking mga guro,
at hindi nagbigay-pansin
sa aking mga tagapayo.
14Kaya ngayon, narito ako
sa gitna ng kapahamakan
at kahihiyan.”
15Ang asawa mo lamang
ang dapat mong sipingan.
Ika nga, inumin mo lamang
ang tubig sa sarili mong balon.
16Huwag kang sisiping sa
kung kani-kanino diyan.
Kung baga, huwag mong ikalat
ang iyong tubig sa lansangan.
17Ang tubig sa iyong balon
ay para lamang sa iyong asawa
at hindi ibinabahagi sa iba.
18Pagpalain sana ang iyong asawa.
Maging maligaya ka sa kanya,
na napangasawa mo noong kayoʼy
mga bata pa.
19Maganda siya at kaakit-akit gaya ng usa.
Lagi ka sanang masisiyahan sa kanyang dibdib,
at aakitin parati ng kanyang pag-ibig.
20Anak, bakit ka paaakit sa babaeng mahalay?
Bakit mo yayakapin ang dibdib niya?
21Sapagkat nakikita ng Panginoon
ang lahat ng iyong ginagawa;
saan ka man naroroon,
tinitingnan ka niya.
22Ang masasamang tao
ay bihag ng kanilang kasamaan;
para itong bitag na huhuli sa kanila.
23Mamamatay sila dahil wala silang disiplina;
silaʼy iniligaw ng kahangalan nila.
Currently Selected:
Kawikaan 5: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
Mga Kawikaan 5
5
Babala Laban sa Pangangalunya
1Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti,
pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi.
2Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya,
at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya.
3Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot,
at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot.
4Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog,
hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod.
5Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan,
daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan.
6Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay,
ang daan niya'y liku-liko, ni hindi niya ito nalalaman.
7Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig,
huwag lilimutin, salita ng aking bibig.
8Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay,
ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang bahay.
9Baka dangal mo'y sirain at angkinin pa ng iba,
sa kamay ng masasama ay mamatay kang maaga.
10Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala,
mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba.
11Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap,
walang matitira sa iyo kundi buto't balat.
12Dito mo nga maiisip:
“Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid,
puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig.
13Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig,
sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig.
14At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan,
isang kahihiyan sa ating lipunan.”
15Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal,
at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang.
16Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa,
walang buting idudulot, manapa nga ay balisa.
17Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan,
upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong buhay.
18Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay,
ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan.
19Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit,
ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib.
20Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit,
ni huwag mong papansinin makamandag niyang halik.
21Ang paningin ni Yahweh sa tao'y di iniaalis,
laging nakasubaybay, bawat oras, bawat saglit.
22Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang,
siya ang magdurusa sa sariling kasalanan.
23Pagkat walang pagpipigil, siya ay mamamatay
at dahil sa kamangmangan, hantungan niya'y sa libingan.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society