YouVersion Logo
Search Icon

Mga Taga-Filipos 4

4
Mga Bilin
1Kaya nga, mga minamahal na kapatid, magpakatatag kayo sa Panginoon. Mahal na mahal ko kayo at nasasabik akong makita kayo. Kayo ang kagalakan at gantimpala ko sa paglilingkod.
2Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique, na magkasundo na sila sa pananaw bilang magkapatid sa Panginoon. 3At nakikiusap din ako sa iyo, tapat kong kasama sa pangangaral, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat katulong ko sila sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama nina Clemente at ng iba ko pang kamanggagawa na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay.#4:3 aklat ng buhay: Dito nakasulat ang pangalan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan.
4Magalak kayong palagi sa Panginoon! Inuulit ko, magalak kayo!
5Ipakita ninyo sa lahat ang kagandahang-loob ninyo. Malapit nang dumating ang Panginoon! 6Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong pangangailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7Kapag ginawa ninyo ito, bibigyan kayo ng Diyos ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Kristo Hesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.
8Bukod diyan, mga kapatid, palagi ninyong isaisip ang mga bagay na mabuti at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais. 9Ipamuhay ninyo ang lahat ng natutunan ninyo at tinanggap mula sa akin, sa salita at sa gawa, at sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
Ang Pasasalamat ni Pablo sa Kanilang Tulong
10Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli ninyong ipinakita ang pagmamalasakit ninyo sa akin. Alam kong palagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12Marunong akong mamuhay sa hirap o sa ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. 13Kaya kong harapin ang kahit anong sitwasyon sa pamamagitan ni Kristo na nagpapatatag sa akin.
14Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan ninyo ako sa kagipitan ko. 15Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa akin sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. 16Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. 17Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. 18Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala ninyo sa akin sa pamamagitan ni Epafrodito, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Diyos na tinatanggap niya nang may kasiyahan. 19At dahil kayoʼy nakay Kristo Hesus, ibibigay sa inyo ng aking Diyos ang lahat ng pangangailangan ninyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya.
20Purihin natin ang ating Diyos at Ama magpakailanman. Amen.
Mga Pangwakas na Pagbati
21Ikumusta ninyo ako sa lahat ng mga hinirang diyan ng Diyos na nakay Kristo Hesus.
Kinukumusta kayo ng mga kapatid kay Kristo na kasama ko rito.
22Kinukumusta rin kayo ng lahat ng mga hinirang ng Diyos dito, lalong-lalo na ang mga naglilingkod sa palasyo ng Emperador.
23Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Hesu-Kristo.

Currently Selected:

Mga Taga-Filipos 4: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in