1
1Mula kay Pablo na apostol ni Kristo Hesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin kay Timoteo na ating kapatid,
2Sa mga hinirang#1:2 hinirang: Sa Griyego, hagios, na ang ibig sabihin ay “itinuring ng Diyos na kanya.” Ganito rin sa ibang bahagi ng aklat na ito. ng Diyos na nasa Colosas, mga matatapat na kapatirang nakay Kristo:
Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang nagmumula sa Diyos na ating Ama.
Pasasalamat at Panalangin
3Palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Hesu-Kristo sa tuwing nananalangin kami para sa inyo. 4Sapagkat nabalitaan namin ang pananampalataya ninyo kay Kristo Hesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga hinirang ng Diyos, 5ang pananalig at pag-ibig na nagmumula sa pag-asang may nakalaan sa inyo sa langit. Ang pag-asang itoʼy una ninyong narinig nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita. 6At ang Magandang Balitang itoʼy lumalaganap at lumalago sa buong mundo, katulad ng nangyari sa inyo noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Diyos. 7Natutunan nʼyo ito kay Epafras na minamahal namin at kapwa lingkod ng Panginoon. Isa siyang tapat na lingkod ni Kristo, at pumunta siya diyan bilang kinatawan namin. 8Siya ang nagbalita sa amin tungkol sa pag-ibig nʼyo na ibinigay ng Espiritu.
9Kaya nga, mula nang mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, hindi kami tumigil sa pagdarasal para sa inyo. Hinihiling namin sa Diyos na bigyan nawa kayo ng karunungan at pang-unawang mula sa Espiritu upang lubusan ninyong malaman ang kalooban niya. 10Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Diyos. 11Nawaʼy palakasin niya kayo sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan, upang matagalan at matiis ninyo ang lahat ng bagay nang may kagalakan. 12At makapagpapasalamat din kayo sa Ama. Ginawa niya kayong karapat-dapat na makibahagi sa mamanahin ng mga hinirang niyang namumuhay sa kaliwanagan. 13Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng minamahal niyang Anak. 14At sa pamamagitan ng kanyang Anak, tinubos niya tayo, na ang ibig sabihin ay pinatawad na ang ating mga kasalanan.
Ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Anak ng Diyos
15Si Kristo ang larawan ng di-nakikitang Diyos, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. 16Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. 17Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Kristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. 18Si Kristo ang ulo ng iglesya#1:18 iglesya: Ang ibig sabihin, “mga mananampalataya ni Kristo.” na kanyang katawan. Siya ang pinagmulan nito, ang unang nabuhay sa mga patay, nang sa gayoʼy maging pinakadakila siya sa lahat. 19Sapagkat minabuti ng Diyos na ang pagka-Diyos niya ay manahan nang lubos kay Kristo, 20at sa pamamagitan ni Kristo, ipagkakasundo sa kanya ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugong itinigis ni Kristo sa krus.
21Noong unaʼy hiwalay kayo sa Diyos, at kayoʼy mga kaaway niya dahil sa kasamaan ng inyong pag-iisip at mga gawa. 22Subalit ngayon, ibinalik na niya kayo sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng katawang-tao ni Kristo. Kaya maihaharap na kayo sa kanya na banal, malinis at walang kapintasan. 23Ngunit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa pananampalataya, at huwag hayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na narinig ninyo. Ang Magandang Balita na ito ay ipinahayag na sa buong mundo, at akong si Pablo ay naging lingkod nito.
Ang Pagsisikap ni Pablo para sa Iglesya
24Masaya ako sa mga nararanasan kong paghihirap para sa inyo. Dahil dito, napupunan ko ang kulang sa mga paghihirap ni Kristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25Itinalaga ako ng Diyos na maging tagapaglingkod ng iglesya upang lubusang ipahayag ang mensahe niya sa inyo. 26Ito ang planong inilihim niya noon sa naunang mga panahon at mga salinlahi, ngunit ngayon ay inihayag na sa ating mga hinirang niya. 27Nais ng Diyos na ihayag sa kanila ang masagana at kamangha-mangha niyang planong para din sa mga Hentil. At ito ang lihim na plano: Si Kristo ay sumasainyo at ito ang batayan ng pag-asa na inyong makakamtan ang napakabuting kalagayan sa hinaharap.
28Kaya nga ipinapangaral namin si Kristo sa lahat ng tao. Pinapaalalahanan at tinuturuan namin ang bawat isa ayon sa karunungang ipinagkaloob sa amin ng Diyos. Sa ganoon, maihaharap namin ang bawat isa nang ganap sa pakikipag-isa nila kay Kristo. 29At upang matupad ito, nagpapakahirap ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Kristo na nagpapalakas sa akin.