YouVersion Logo
Search Icon

Mga Taga-Filipos 3

3
Ang Tunay na Pagiging Matuwid
1Ngayon, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi ako magsasawang sabihin ito nang paulit-ulit dahil para ito sa kabutihan ninyo. 2Mag-ingat kayo sa mga asal-hayop, silang mga gumagawa ng masasama at ipinipilit ang pagtutuli. 3Ngunit tayo ang totoong tuli,#3:3 tayo ang totoong tuli: Ang ibig sabihin, “tayo ang may tunay na palatandaan na tayoʼy mga anak ng Diyos.” dahil naglilingkod tayo sa Diyos sa tulong ng kanyang Espiritu, at ipinagmamalaki ang ginawa ni Kristo Hesus. Hindi tayo nagtitiwala sa mga panlabas na seremonya o panuntunan. 4Kung sabagay, mayroon akong maipagmamalaki kung ang pagsunod sa mga seremonya ang pag-uusapan.
Kung iniisip ninuman na may katwiran siyang magmalaki sa mga bagay na ito, lalo na ako.
5Noong walong araw pa lamang akoʼy tinuli na ako. Isa akong Israelita na mula sa lahi ni Benjamin, isang tunay na Hebreo. At kung pagsunod sa Kautusan naman, talagang sinusunod ko ito dahil Pariseo ako. 6Kung tungkol naman sa sigasig ko bilang Hudyo, inusig ko ang iglesya#3:6 iglesya: Ang ibig sabihin, “mga mananampalataya ni Kristo.”. Walang maipipintas sa akin pagdating sa pagsunod sa Kautusan.
7Pinapahalagahan ko noon ang lahat ng ito, ngunit ngayoʼy itinuturing ko na itong walang halaga dahil kay Kristo. 8At hindi lang iyan, para sa akin, ang lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa di-mapapantayang halaga ng pagkakilala ko kay Kristo Hesus na aking Panginoon. Itinuturing ko nang basura ang lahat ng bagay makamtan ko lamang si Kristo, 9at ako namaʼy maging kanya. Hindi na ako nagtitiwala na akoʼy magiging matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan kundi sa pananampalataya kay Kristo. Ang pagiging matuwid na ito ay kaloob ng Diyos dahil sa pananampalataya. 10Nais ko ngayon na higit pang makilala si Kristo, maranasan ang kapangyarihan ng muli niyang pagkabuhay, makabahagi sa mga paghihirap niya at matulad sa kanya, sa kamatayan niya. 11Sa ganoon, mabubuhay akong muli. Harinawa.
Magpatuloy Hanggang Makamtan ang Gantimpala
12Hindi ko sinasabing nakamtan ko na ang lahat, o kayaʼy naging ganap na ako. Sa halip, patuloy akong nagsusumikap upang makamtan iyon, dahil ito ang layunin ni Kristo Hesus nang tawagin niya ako. 13Mga kapatid, hindi ko sinasabing naabot ko na ang ganap na buhay. Ngunit ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at pinagsisikapan kong makamtan ang nasa hinaharap. 14Nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala na walang iba kundi ang pagtawag sa akin ng Diyos na makapamuhay sa langit sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
15Tayong matibay ang pananampalataya ay magkaroon sana ng ganitong kaisipan. Ngunit kung hindi ganito ang pag-iisip ninyo, ipapaunawa ito sa inyo ng Diyos. 16Ang mahalaga ay patuloy nating sinusunod ang mga katotohanang natutunan na natin.
17Mga kapatid, tularan ninyo ako, at tularan din ninyo ang iba pang namumuhay nang tulad namin. 18Sapagkat marami ang namumuhay na kumukontra sa kahulugan ng kamatayan ni Kristo sa krus. Ilang ulit ko nang sinabi sa inyo noon pa ang tungkol dito, at ngayoʼy sinasabi kong muli na may kasamang luha. 19Kapahamakan ang kahihinatnan nila dahil dinidiyos nila ang kanilang tiyan.#3:19 ang kanilang tiyan: O ang hilig ng kanilang katawan. Ipinagmamalaki pa nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga makamundong bagay. 20Ngunit para sa atin, ang langit ang tunay nating bayan. At mula roon, hinihintay natin nang may pananabik ang pagbabalik ng Tagapagligtas, ang Panginoong Hesu-Kristo. 21Sa pagdating niya, babaguhin niya ang mahihina at namamatay nating katawang lupa at gagawing tulad ng maluwalhati niyang katawan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang sumasakop sa lahat ng bagay.

Currently Selected:

Mga Taga-Filipos 3: ASD

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in