Leviticus 11
11
Tungkol sa Malinis at Maruming Pagkain
(Deu. 14:3‑21)
1Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 2“Sabihin ninyo sa mga Israelita: ‘Sa lahat ng mga hayop na nabubuhay sa lupa, ito ang mga puwede ninyong kainin: 3ang anumang hayop na naglalakad sa lupa na biyak ang kuko at nginunguyang muli ang kinain nito.
4-8“ ‘Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi naman biyak ang mga kuko katulad ng kamelyo at kuneho. Huwag din ninyong kakainin ang baboy dahil kahit biyak ang kuko nito, hindi naman nginunguyang muli ang kinain nito. Ituring ninyo na maruruming hayop#11:4‑8 maruruming hayop: Ang ibig sabihin nito ay hindi maaaring kainin o ihandog ang mga ito sa Panginoon. ang mga ito. Huwag kayong kakain ng karne ng mga ito o hihipo ng mga patay na hayop na ito.
9“ ‘Sa lahat ng mga hayop na nabubuhay sa tubig, sa dagat man o tubig-tabang, puwede lamang ninyong kainin ang mga may palikpik at kaliskis. 10-12Ngunit anumang nasa dagat o tubig-tabang na walang palikpik at kaliskis ay hindi dapat kainin. Ang mga nilalang na ito ay dapat ituring na marumi. Hindi ninyo sila dapat kainin at huwag din ninyong hipuin ang bangkay ng mga hayop na ito.
13-19“ ‘Huwag ninyong kakainin ang mga ibong#11:13‑19 Ang ibang nabanggit na ibon dito na nakasulat sa tekstong Hebreo ay mahirap kilalanin. katulad ng agila, uwak, buwitre, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki.#11:13‑19 paniki: O paniking-bahay. Itinuturing itong ibon ng mga Israelita. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ganitong uri ng ibon.
20-23“ ‘Puwede nʼyong kainin ang mga kulisap na may apat na paa, na lumilipad at lumalakad nang palundag, katulad ng balang, kuliglig, at tipaklong. Ngunit huwag ninyong kakainin ang iba pang mga kulisap na lumilipad at gumagapang. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ito.
24-28“ ‘Huwag kayong hihipo ng bangkay ng hayop na hindi biyak ang kuko at hindi nginunguyang muli ang kinain nito. Huwag din kayong hihipo ng bangkay ng mga hayop na apat ang paa at may kukong pangkalmot. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. Ang sinumang makahipo ng bangkay nila ay dapat maglaba ng kanyang damit#11:24‑28 maglaba ng kanyang damit Ito ay isang ritwal na ginagawa ng mga Israelita para sila ay maging malinis at karapat-dapat makibahagi sa mga seremonyang panrelihiyon nila., ngunit ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.
29-31“ ‘Ituring ninyong marumi ang mga hayop na gumagapang katulad ng mustela, daga, butiki, tuko, bayawak, buwaya, bubuli at hunyango. Ang sinumang makahipo ng mga bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 32Ang alinmang bagay na mahulugan ng patay na katawan nito ay magiging marumi, maging itoʼy yari sa kahoy, tela, balat, o sako at ginagamit kahit saan. Itoʼy dapat hugasan ng tubig,#11:32 hugasan ng tubig: Ito ay ritwal ng paglilinis sa isang bagay upang itoʼy maaring magamit. ngunit ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw. 33Kung ang isang palayok o banga ay nahulugan ng patay na hayop na ito, ang lahat ng laman sa loob nito ay marumi na, at itoʼy dapat nang basagin. 34Ang lahat ng pagkain na nilagyan ng tubig mula sa bangang iyon ay marumi na. At marumi na rin ang anumang inumin na nasa bangang iyon. 35Ang alinmang mahulugan ng patay na katawan ng mga iyon ay magiging marumi. Kapag ang nahulugan ay pugon o palayok, ituring ninyong marumi iyon at dapat basagin. 36Ang batis o balon na mahulugan ng kanilang patay na katawan ay mananatiling malinis, ngunit ang sinumang makahipo ng patay na katawan na iyon ay magiging marumi. 37Ang alinmang binhi na mahulugan nito ay mananatiling malinis, 38ngunit kung ang binhi ay nakababad na sa tubig, ang binhing iyon ay magiging marumi na.
39“ ‘Kung mamatay ang alinmang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humipo nito ay ituturing na marumi, hanggang sa paglubog ng araw. 40Ang sinumang kukuha at kakain nito ay dapat maglaba ng kanyang damit pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa lumubog ang araw.#11:40 Tingnan ang mga talababa sa talata 24‑28|LEV 11:24‑28.
41-42“ ‘Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na gumagapang dahil kasuklam-suklam ito: ang anumang gumagapang sa pamamagitan ng kanyang tiyan o apat na paa o maraming paa dahil iyon ay marumi. 43-44Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa mga ito, dahil ako ang Panginoon na inyong Diyos. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at kayoʼy magpakabanal dahil akoʼy banal. 45Ako ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Ehipto para akoʼy maging Diyos ninyo. Kaya dapat kayong mamuhay nang banal dahil akoʼy banal.
46“ ‘Ito ang mga tuntunin tungkol sa lahat ng hayop, ibon, isda, at bawat buháy na nilalang na gumagalaw sa tubig at bawat nilalang na gumagapang sa lupa. 47Sa pamamagitan ng mga tuntuning ito, malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi, ang puwede at hindi puwedeng kainin.’ ”
Currently Selected:
Leviticus 11: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
LEVITICO 11
11
Mga Hayop na Malinis at Marumi
(Deut. 14:3-21)
1Ang Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi,
2“Sabihin ninyo sa mga anak ni Israel: Ito ang mga bagay na may buhay na maaari ninyong kainin sa lahat ng mga hayop na nasa lupa.
3Anumang hayop na may hati ang paa, biyak, at ngumunguya—ang mga gayon ay maaari ninyong kainin.
4Gayunman, huwag ninyong kakainin ang mga ito sa mga ngumunguya o doon sa mga may hati ang paa: ang kamelyo, bagaman ngumunguya, ngunit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,
5at ang kuneho, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,
6at ang liebre, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,
7at ang baboy, bagaman may hati ang paa at biyak subalit hindi ngumunguya, ito ay marumi para sa inyo.
8Huwag ninyong kakainin ang kanilang laman at huwag ninyong hihipuin ang kanilang mga bangkay; ang mga iyon ay marumi para sa inyo.
9“Sa lahat ng mga nasa tubig ay maaari ninyong kainin ang mga ito: alinmang may mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig, nasa dagat, at sa mga nasa ilog, ay makakain ninyo.
10Subalit alinmang walang mga palikpik at mga kaliskis sa mga nasa dagat, nasa ilog, at sa alinmang mga gumagalaw sa mga nasa tubig, at sa lahat ng may buhay sa tubig, ay marumi para sa inyo.
11Ang mga iyon ay marumi para sa inyo; huwag ninyong kakainin ang laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga iyan ay inyong pandidirihan.
12Anumang walang mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig ay magiging maruming bagay sa inyo.
13“At sa mga ibon ay ituturing ninyong marumi ang mga ito. Ang mga ito ay hindi ninyo dapat kakainin; ang mga ito'y marumi: ang agila, buwitre, at buwitreng itim;
14ang lawin, limbas, ayon sa kanyang uri;
15bawat uwak ayon sa kanyang uri;
16ang avestruz, panggabing lawin, at ang lawing dagat, ayon sa kanyang uri;
17ang maliit na kuwago, somormuho, at ang malaking kuwago;
18ang puting kuwago, pelikano, at ang buwitre;
19ang lahat ng uri ng tagak, ang kabág, at ang paniki.
20“Lahat ng kulisap na may pakpak na lumalakad sa apat na paa ay marumi para sa inyo.
21Gayunman, ang mga ito'y maaari ninyong kainin sa lahat ng may pakpak na umuusad na may apat na paa, na may mga hita sa itaas ng mga paa, na ginagamit upang makalundag sa lupa.
22Mula sa kanila ay makakain ninyo ang mga ito: ang balang ayon sa kanyang uri; ang lukton ayon sa kanyang uri, ang kuliglig ayon sa kanyang uri, at ang tipaklong ayon sa kanyang uri.
23Subalit ang iba pang kulisap na may pakpak na may apat na paa ay marumi para sa inyo.
24“At sa pamamagitan ng mga ito ay magiging marumi kayo: sinumang humipo ng kanilang mga bangkay ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
25Sinumang bumuhat ng kanilang mga bangkay ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
26Bawat hayop na may hati ang kuko, subalit hindi biyak ang paa, o hindi ngumunguya ay marumi para sa inyo: bawat humipo sa mga iyan ay magiging marumi.
27At anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang mga kuko sa lahat ng hayop na lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, ay marumi para sa inyo; sinumang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
28At ang bumuhat ng bangkay ng mga iyan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; ang mga ito ay marumi para sa inyo.
29“At ang mga ito'y marumi para sa inyo sa mga umuusad sa ibabaw ng lupa: ang bubuwit, ang daga, at ang bayawak ayon sa kanyang uri,
30ang tuko, buwaya, butiki, bubuli, at ang hunyango.
31Ang mga ito'y marumi sa inyo mula sa lahat ng umuusad; sinumang humipo sa mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
32At anumang malapatan ng mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi, maging alinmang kasangkapang yari sa kahoy, o kasuotan, o balat, o sako, alinmang sisidlang ginagamit sa anumang layunin. Dapat itong ilubog sa tubig at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos, ito ay magiging malinis.
33Anumang sisidlang yari sa lupa na malapatan ng mga iyan, lahat ng laman niyon ay magiging marumi, at iyon ay inyong babasagin.
34Sa lahat ng pagkain na maaaring kainin na mabuhusan ng tubig ay magiging marumi; at lahat ng inuming maaaring inumin sa alinman sa mga gayong sisidlan ay magiging marumi.
35Anumang malapatan ng anumang bahagi ng kanilang bangkay ay magiging marumi; maging hurno o kalan ay babasagin; ang mga ito ay marumi sa inyo.
36Subalit ang isang bukal o ang isang balon na imbakan ng tubig ay magiging malinis; ngunit ang masagi ng bangkay ng mga iyon ay magiging marumi.
37At kapag malapatan ng kanilang bangkay ang alinmang binhing panghasik na ihahasik, ito ay malinis;
38Ngunit kung nabasa ang binhi at malapatan ng bangkay ng mga iyon, ito ay magiging marumi para sa inyo.
39“Kapag ang alinmang hayop na inyong makakain ay namatay, ang humipo ng bangkay nito ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw,
40at ang kumain ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang bumuhat ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
41“Bawat umuusad sa ibabaw ng lupa ay marumi; hindi ito maaaring kainin.
42Anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang tiyan, at lahat ng lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, at anumang mayroong maraming paa, maging sa lahat ng bagay na umuusad sa ibabaw ng lupa, ay huwag ninyong kakainin; sapagkat ang mga ito ay marumi.
43Huwag ninyong gawing karumaldumal ang inyong sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad ni gawin ninyong marumi ang inyong sarili sa pamamagitan ng mga iyan, upang huwag kayong marumihan nila.
44Sapagkat#Lev. 19:2; 1 Ped. 1:16 ako ang Panginoon ninyong Diyos, kaya't pakabanalin ninyo ang inyong mga sarili, at kayo'y maging banal, sapagkat ako ay banal. Huwag ninyong durungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad sa ibabaw ng lupa.
45Sapagkat ako ang Panginoon na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos; kayo nga'y magpakabanal, sapagkat ako'y banal.”
46Ito ang batas tungkol sa hayop, sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw na nasa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa,
47upang bigyan ng pagkakaiba ang marumi at ang malinis, at ang may buhay na maaaring kainin at ang may buhay na hindi maaaring kainin.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001