Leviticus 10
10
Namatay si Nadab at Abihu
1Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kapwa kumuha ng lalagyan ng insenso. Nilagyan nila ito ng mga baga at insenso at inihandog sa Panginoon. Ngunit ang ginawa nilang itoʼy hindi ayon sa utos ng Panginoon, dahil iba ang apoy na kanilang ginamit para rito.#10:1 iba … rito: O iba ang pinagkunan nila ng apoy para rito. 2Kaya nagpadala ng apoy ang Panginoon at sinunog sila hanggang sa silaʼy mamatay sa harapan ng Panginoon.
3Sinabi ni Moises kay Aaron, “Iyan ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin niya:
‘Malalaman ng mga lumalapit
sa akin#10:3 mga lumalapit sa akin: Maaaring ang tinutukoy nito ay ang mga pari.
na akoʼy banal;
Mapaparangalan ako
sa harapan ng lahat ng tao.’ ”
Hindi umimik si Aaron.
4Ipinatawag ni Moises sina Misael at Elzafan na mga lalaking anak ni Uziel na tiyuhin ni Aaron at sinabi niya sa kanila, “Kunin ninyo ang mga bangkay ng inyong mga pinsan sa santuwaryo#10:4 santuwaryo: Tingnan ang Exo. 25:8. at dalhin ninyo sa labas ng kampo.” 5Kaya kinuha nila ang mga bangkay, sa pamamagitan ng paghawak sa mga damit nito at dinala sa labas ng kampo ayon sa utos ni Moises.
6Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guguluhin ang inyong buhok o pupunitin man ang inyong damit. Kapag ginawa ninyo iyon, pati kayo ay mamamatay at magagalit ang Panginoon sa lahat ng Israelita. Ngunit maaaring magluksa ang mga Israelitang kamag-anak ninyo para sa kanilang dalawa na sinunog ng Panginoon. 7Huwag muna kayong umalis sa pintuan ng Tolda. Mamamatay kayo kapag umalis kayo, dahil pinili kayo ng Panginoon para maging mga pari sa pamamagitan ng pagpahid sa inyo ng langis ng olibo.” At sinunod nila ang iniutos ni Moises.
8Sinabi ng Panginoon kay Aaron, 9“Ikaw at ang iyong mga anak ay hindi dapat uminom ng alak o ng anumang inuming nakakalasing kapag papasok sa Tolda. Kapag ginawa ninyo iyon, mamamatay kayo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon. 10Dapat ninyong malaman kung alin ang nauukol sa Panginoon at kung alin ang para sa lahat, kung alin ang malinis at marumi. 11Kinakailangang turuan ninyo ang kapwa ninyo Israelita tungkol sa lahat ng tuntuning ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”
12Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak niyang natitira na sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natirang handog na pagkaing butil mula sa mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Lutuin ninyo iyon nang walang pampaalsa at kainin ninyo malapit sa altar dahil napakabanal niyon. 13Kainin nʼyo ito sa may banal na lugar, dahil iyon ang inyong bahagi mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang iniutos sa akin ng Panginoon. 14Ngunit ang pitso at hita ng hayop na itinaas at inihandog sa Panginoon ay para saʼyo at sa iyong buong sambahayan. Kainin ninyo iyon sa lugar na itinuturing nating malinis. Itoʼy ibinibigay sa inyo bilang bahagi ninyo mula sa handog ng mga Israelita na handog pangkapayapaan. 15Kapag naghandog ang mga Israelita, ihandog nila ang pitso at hita ng hayop, pati na ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Ang pitso at hita ay itataas nila sa Panginoon bilang handog na itinataas. Pagkatapos, ibibigay nila ito sa inyo dahil ito ang inyong bahagi sa handog. Itoʼy para sa inyo, at sa inyong mga angkan magpakailanman ayon sa iniutos ng Panginoon.”
16Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na handog para sa kasalanan,#10:16 Tingnan ang 9:15. napag-alaman niyang nasunog na itong lahat.#10:16 Ayon sa paraan ng paghahandog na makikita sa 6:25‑30, ang karne ng hayop ng handog na ito ay dapat kinakain ng mga pari. Kaya nagalit siya kina Eleazar at Itamar, na mga natitirang anak ni Aaron, at sinabihan sila, 17“Bakit hindi ninyo kinain ang handog para sa kasalanan sa may banal na lugar? Ang handog na iyon ay napakabanal, at iyon ay ibinigay ng Panginoon sa inyo para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan sa presensya ng Panginoon. 18Sapagkat ang dugo nito ay hindi dinala sa loob ng banal na lugar, kinain sana ninyo iyon doon sa santuwaryo, ayon sa sinabi ko sa inyo.”
19Ngunit sumagot si Aaron kay Moises, “Kanina, naghandog ang aking mga anak ng kanilang handog para sa kasalanan at handog na sinusunog, subalit namatay ang dalawa sa kanila#10:19 Inihandog ni Aaron at ng mga anak niya ang mga handog na ito noong hindi pa namamatay ang dalawang anak niya. (Tingnan ang 9:8‑16.). Sa nangyaring ito, matutuwa kaya ang Panginoon kung kinain ko ang handog para sa kasalanan ngayong araw?” 20Sumang-ayon si Moises sa sagot ni Aaron.
Currently Selected:
Leviticus 10: ASD
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.
LEVITICO 10
10
Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu
1Noon, sina Nadab at Abihu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ng kanya-kanyang suuban, at nilagyan ng apoy ang mga ito at pinatungan ng insenso. Sila'y naghandog sa harapan ng Panginoon ng ibang apoy na hindi niya iniutos sa kanila.
2At lumabas ang apoy sa harapan ng Panginoon, nilamon sila, at namatay sila sa harapan ng Panginoon.
3Pagkatapos ay sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang sinabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapakita na banal sa mga lumalapit sa akin; at ako'y maluluwalhati sa harapan ng buong bayan.’” At si Aaron ay nanahimik.
4Tinawag ni Moises sina Misael at Elzafan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, “Magsilapit kayo, dalhin ninyo ang inyong mga kapatid mula sa harapan ng santuwaryo tungo sa labas ng kampo.”
5Kaya't sila'y lumapit at binuhat sa kanilang mga kasuotan papalabas sa kampo, gaya ng iniutos ni Moises.
6At sinabi ni Moises kina Aaron, Eleazar, at Itamar na kanyang mga anak, “Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o punitin man ninyo ang inyong mga damit upang huwag kayong mamatay at nang siya'y huwag magalit laban sa buong kapulungan. Tungkol sa inyong mga kapatid, ang buong sambahayan ni Israel, sila ay tataghoy sa apoy na pinapag-alab ng Panginoon.
7Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan, baka kayo'y mamatay; sapagkat ang langis na pambuhos ng Panginoon ay nasa inyo.” At kanilang ginawa ang ayon sa mga salita ni Moises.
Mga Alituntunin para sa mga Pari
8At ang Panginoon ay nagsalita kay Aaron, na sinasabi,
9“Huwag kayong iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak na kasama mo, kapag kayo'y papasok sa toldang tipanan, upang kayo'y huwag mamatay. Ito ay isang walang hanggang batas sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
10Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, ang marumi at ang malinis,
11at inyong ituturo sa mga anak ni Israel ang lahat ng batas na sinabi sa kanila ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.”
Ang Tungkulin at Bahagi ng mga Pari
12Nagsalita#Lev. 6:14-18 si Moises kay Aaron at sa nalabi nitong mga anak, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang butil na handog na nalabi mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at inyong kaining walang pampaalsa sa tabi ng dambana, sapagkat ito ay kabanal-banalan.
13Ito ay inyong kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ang bahagi ninyo at ng inyong mga anak mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, sapagkat gayon ang iniutos sa akin.
14Ang#Lev. 7:30-34 dibdib ng handog na iwinawagayway at ang hita na inialay ay kakainin ninyo sa isang malinis na lugar, ikaw at ng iyong mga anak na lalaki at babae. Ang mga iyon ay ibinigay bilang bahagi mo at ng iyong mga anak mula sa mga alay ng handog pangkapayapaan ng mga anak ni Israel.
15Ang hita na inialay at ang dibdib na iwinawagayway ay kanilang dadalhin kasama ng mga handog na pinaraan sa apoy, ang mga taba, ay kanilang dadalhin upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon. Ito ay bahagi mo at ng iyong mga anak, gaya ng iniutos ng Panginoon.”
16At buong sikap na hinanap ni Moises ang kambing na handog pangkasalanan, at iyon ay sinunog na! Siya ay nagalit kina Eleazar at Itamar na mga nalalabing anak ni Aaron, at kanyang sinabi,
17“Bakit#Lev. 6:24-26 hindi ninyo kinain ang handog pangkasalanan sa banal na lugar? Ito ay kabanal-banalang bagay at ibinigay niya ito sa inyo upang alisin ang kasamaan ng kapulungan, upang gumawa ng pagtubos para sa kanila sa harapan ng Panginoon?
18Ang dugo niyon ay hindi ipinasok sa loob ng dakong banal. Tiniyak sana ninyong kinain ito sa banal na dako, gaya ng iniutos ko.”
19At sinabi ni Aaron kay Moises, “Tingnan mo, kanilang inihandog nang araw na ito ang kanilang handog pangkasalanan, at ang kanilang handog na sinusunog sa harapan ng Panginoon; gayunman ang gayong mga bagay ay nangyari sa akin! Kung ako nga'y nakakain ngayon ng handog para sa kasalanan, ito kaya ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon?”
20Nang marinig ito ni Moises, siya ay sumang-ayon.
Currently Selected:
:
Highlight
Copy
Compare
Share
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001