Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Palatandaan at Simbolo na Nakapalibot sa Krus | Mga Pag-iisipan Ngayong Mahal na Araw mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Muling PagkabuhayHalimbawa

Mga Palatandaan at Simbolo na Nakapalibot sa Krus | Mga Pag-iisipan Ngayong Mahal na Araw mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Muling Pagkabuhay

ARAW 7 NG 8

Ang Krus na Walang Laman

BASAHIN

May isang lalaki na ang pangalan ay Jose. Siya ay taga-Arimatea na sakop ng Judea. Kahit na miyembro siya ng korte ng mga Judio, hindi niya sinang-ayunan ang kanilang ginawa kay Jesus. Mabuting tao siya, matuwid at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Dios. Pumunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. Inalis niya ang bangkay sa krus at binalot ng telang linen. Pagkatapos, inilagay niya ito sa libingang inukit sa gilid ng burol, na hindi pa napaglilibingan. Biyernes noon at araw ng paghahanda para sa Araw ng Pamamahinga.
Lucas 23:50–54

Basahin din ang Mateo 27:57–59; Marcos 15:42–47; Juan 19:38.

PAG-ISIPAN

Ang krus ay pangunahing simbolo ng Kristiyanismo. Dahil sa kamatayan ni Jesus sa krus, tuluyang nagbago ang kahulugan nito. Dati, ang krus ay simbolo ng pagpapahirap, pagdurusa, sakit, at kahihiyan, ngunit ngayon, pag-asa at tagumpay ang dala-dalang mensahe nito. Ang tunay na mensahe ng ebanghelyo ay nakasalalay sa katotohanan na si Jesus ay hindi lamang ipinako sa krus; Siya rin ay ibinaba mula rito, inilibing, at muling nabuhay.

Ang krus ni Cristo ay walang laman. Ibig sabihin, talagang kinuha ni Jesus ang parusang para sa atin at ikinamatay ang kamatayang tayo ang dapat na tumanggap. Hindi Siya nagkunwaring patay at tahimik na bumaba mula sa krus. Hindi rin Siya tumakas sa gitna ng gabi at nagtago para sabihin sa mga disipulo Niya ang mensahe na “kahit papaano” ay namatay na Siya. Alam ng mga tao at nakita nila na ang Kanyang katawan ay ibinaba mula sa krus, inihanda, at inilibing. Ang Kanyang kamatayan ay nagsilbing patunay na ginawa Niya talaga ang sinabi Niya—nagdusa Siya at namatay para sa lahat ng ating mga kasalanan.

Ang krus na walang laman ay patunay na ang sakripisyo ni Cristo ay sapat at ganap. Hindi Siya nanatili sa krus at hindi Niya kailangang bumalik doon. Tapos na ang Kanyang gawain. Tapos na! Hindi tulad ng ibang tao na namatay sa krus, ang kamatayan Niya ay puno ng pag-asa at kabuluhan. Dahil tunay Siyang namatay ngunit hindi nanatiling patay, ang Kanyang krus ay simbolo ng pag-asa at tagumpay. Ang larawan ng krus na dapat tanggapin ng lahat ng Kristiyano ay hindi ang Kanyang pagkapako sa Kalbaryo, kundi ang krus na walang laman.

Ang Sabado de Gloria ay karaniwang larawan ng kalungkutan at kawalan ng pag-asa, batay sa ideya na patay si Jesus. Ngunit ang kamatayan ni Cristo ay isang paghahanda para sa pinakadakilang tagumpay. Sa pagsikat ng araw noong muling pagkabuhay ni Cristo, ibinigay Niya ang pangunahing hagupit laban sa kamatayan at nagtagumpay Siya laban dito. Ngayon, maaari tayong magdiwang at magpasalamat dahil ang krus ay walang laman.

The Old Rugged Cross
ni George Bennard
(Isinalin sa Filipino)

Sa lumang krus na baku-bako, may mantsa ng banal na dugo
Isang kamangha-manghang kagandahan ang aking nakita
Sa lumang krus na iyon, si Jesus ay nagdusa at namatay
Upang ako ay patawarin at gawing dalisay
Kaya’t mamahalin ko ang lumang krus na baku-bako
At sa huli ay iaalay ang aking mga gantimpala
Kakapitan ko ang lumang krus na baku-bako
At ipagpapalit sa isang korona balang-araw

TUMUGON

  • Dahil alam natin na ang mensahe ng walang-lamang krus ay totoong namatay si Jesus, ano ang mga pagsubok at isyu sa buhay na kailangan nating ipako sa krus kasama ni Cristo?
  • Habang iniisip natin ang walang-lamang krus, may mga pagkakataon ba na naramdaman natin na ang ating pananampalataya ay walang saysay at walang pag-asa? Bakit?
  • Aling bahagi ng iyong nakaraan ang patuloy na nagdudulot ng kahihiyan at pagkakasala? Paano ka mamumuhay nang buo ang loob sa kamatayan at sakripisyo ni Jesus sa krus?

PANALANGIN

Panginoon, ngayong araw, tulungan Mo po akong maalala at maunawaan ang pagkamatay Mo sa krus. Ipaalala Mo sa akin kung gaano katotoo at sapat ang Iyong kamatayan upang mamuhay ako sa Iyo nang buo ang loob. Salamat dahil ang luma ay lumipas na at hindi na ako ang dati. Tulungan Mo akong maunawaan na dahil sa walang-lamang krus, ang Iyong sakripisyo ay ganap na. Hindi ko na kailangang magtiwala sa aking sarili at sa halip ay mamuhay nang may ganap na pagtitiwala sa Iyo. Amen.

AWIT

Red & White

Every Nation Music

Tungkol sa Gabay na ito

Mga Palatandaan at Simbolo na Nakapalibot sa Krus | Mga Pag-iisipan Ngayong Mahal na Araw mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Muling Pagkabuhay

Tuwing Mahal na Araw, inaalala at ipinagdiriwang ng mga mananampalataya ang tagumpay ni Jesus laban sa kamatayan. Habang pinag-iisipan natin ang Kanyang buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay, sama-sama nating tignan ang ilan sa mga tanda at simbolo sa gitna ng pinakadakilang pagpapakita ng pag-ibig sa krus, na nagpalaya sa sangkatauhan mula sa kasalanan upang tayo'y mabuhay sa pag-asa at tagumpay ni Jesus.

More

Nais naming pasalamatan ang Every Nation Philippines sa pagbibigay ng planong ito. Para sa higit pang impormasyon, pakibisita ang: church.victory.org.ph/who-we-are