Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Tungkol sa Gabay

Mga Alituntunin sa Pangangasiwa ng Oras Mula sa Salita ng DiyosHalimbawa

Time Management Principles From God’s Word

ARAW 5 NG 6

Planuhin ang Bawat Araw


Hindi na isang lihim na upang maging matagumpay ka sa iyong pananalapi, kailangang magplano ka na kung saan mo gagamitin ang iyong pera bago ito mapunta sa iyong account sa bangko. Ang ganitong disiplinadong diskarte rin ang dapat nating gamitin sa ating oras. Kung iisipin natin, hindi tulad ng pera, hindi natin kayang kumita ng karagdagang oras, kaya't mas nararapat pa ngang pangasiwaan natin ang ating oras kaysa sa ating pera.


Kung gagayahin mo ang ginawa ni Jesus sa ikalawang araw na ito ng babasahing gabay, dapat kang magkaroon ng malinaw na hangganan na bumabalangkas kung gaano karaming oras ang ilalaan mo upang maging kapaki-pakinabang ka sa loob ng isang araw. Kapag naiayos mo na ang mga hangganang ito, napanagutan mo nang lahat ang iyong mga pangako, at natukoy mo na ang mga pinakamahalagang proyekto at gawain mo, oras na upang pumasok sa mas detalyadong paraan ng pagpaplano, kung saan tutukuyin mo kung paano mong gugugulin ang bawat oras sa isang araw mo. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Jesus sa Lucas 14:28: "Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo?" Ang paraan kung paano natin "kinukuwenta ang gastos" ng mabubungang gawain natin ay sa pamamagitan ng pangangasiwa sa ating oras, upang masigurado nating may "sapat na panahon upang matapos" ang mga bagay na ipinangako natin.


Kaya't paano nga ba ito talaga? Para sa akin, ginugugol ko ang huling 30 minuto ng oras ko sa trabaho upang tingnang mabuti kung alin-alin ang mga pinakamahalagang gawain at proyekto na nais kong matapos sa susunod na araw at sa pagpaplano kung paano kong mailalaan ang aking oras upang matapos ang mga iyon at ang iba pang nasa listahan ko. Sa ganitong paraan, pagdating ko bukas sa trabaho, hindi ko na kailangang mag-aksaya ng enerhiya sa pag-iisip ng mga susunod kong gagawin. Napagpasyahan na ang lahat. Ngayon ang kailangan na lamang gawin ay ang isakatuparan ang mga ito.


Sa kabuuan ng Mga Kawikaan, ipinapakita ng Diyos ang katalinuhan ng mainam na pagpaplano kung paanong gugugulin ang ating oras at pera. Kapag pinaplano mo ang iyong mga araw, sadyain mong maging mababa ang pagtasa mo sa magagawa mo sa loob ng 24 na oras. Ang kalikasan ng tao ay ang taasan ang pagtasa sa kung anong magagawa natin sa ibinigay na panahon. Ang pagkakaroon ng kamalayan tungkol dito ay makakatulong sa atin upang gumawa ng mas mahusay na pagpapasya sa pagpaplano ng iyong oras. Mas mabuti nang matapos ang araw na may hindi ka inaasahang libreng oras kaysa sa hindi mo matapos ang mga itinakda mo.  


Alalahanin mo ang babala ni Jesus sa Lucas 14:29-30: "Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. Sasabihin nila, ‘Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.'" Ang hindi paggawa sa isang bagay na sinabi nating gagawin natin ay nakapipinsala sa ating patotoo sa isang napariwarang mundo. Planuhing mabuti ang iyong oras upang makatiyak kang matatapos mo ang anumang pinagpasyahan mong simulan.

Araw 4Araw 6

Tungkol sa Gabay na ito

Time Management Principles From God’s Word

Nalulungkot ka ba dahil sa hindi humihigit sa 24 ang mga oras sa isang araw? Natatabunan ka ba sa dami ng mga gawaing nakasulat sa iyong listahan ng mga dapat gawin? Pagod ka na ba sa pagiging pagod at walang sapat na pa...

More

Nais naming pasalamatan si Jordan Raynor sa pagbabahagi ng gabay na ito. Para sa karagdagang kaalaman, bisitahin ang: http://www.jordanraynor.com/time/

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya