Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Bilang 27:1-11

Mga Bilang 27:1-11 RTPV05

Sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza ay mga anak na babae ni Zelofehad. Si Zelofehad ay anak ni Gilead na anak ni Maquir, na anak ni Manases, na anak naman ni Jose. Lumapit ang mga babaing ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng Israel sa harap ng Toldang Tipanan. Sinabi nila, “Ang aming ama ay namatay sa ilang. Hindi nga siya kasamang namatay sa pangkat ni Korah na naghimagsik laban kay Yahweh, subalit namatay naman siya dahil sa sarili niyang kasalanan. Namatay siyang hindi nagkaanak ng lalaki. Dahil ba sa wala siyang anak na lalaki ay buburahin na ninyo siya sa listahan ng Israel? Bigyan ninyo kami ng kaparteng lupa tulad ng mga kamag-anak ng aming ama.” Ang usaping ito'y iniharap ni Moises kay Yahweh, at ganito ang sagot ni Yahweh, “Tama ang mga anak ni Zelofehad. Dapat magkaroon ng kaparte ang kanilang ama. Ang mana niya ay ibigay mo sa kanyang mga anak. At sabihin mo sa mga Israelita na kapag ang isang tao'y namatay na walang anak na lalaki, ang mana niya ay ibibigay sa mga anak na babae. Kung wala ring anak na babae, ang kaparte niya ay ibibigay sa kanyang mga kapatid. Kung wala siyang kapatid na lalaki ay ibibigay sa kanyang mga tiyo at kung wala pa rin siyang tiyo, ang mana'y ibibigay sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Ito ay mananatiling tuntunin sa Israel. Akong si Yahweh ang nagtakda nito bilang kautusan at tuntuning susundin ninyo.”

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya