Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Marcos 14:53-72

Marcos 14:53-72 RTPV05

Dinala nila si Jesus sa bahay ng pinakapunong pari na kung saan ay nagkakatipon na doon ang lahat ng mga punong pari, mga pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya kay Jesus. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay. Ang mga punong pari at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita. Marami ngang saksi ang nagsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi naman nagkakaisa ang kanilang mga patotoo. May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, “Narinig naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” Ngunit hindi pa rin nagkaisa ang kanilang mga patotoo. Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Mapagpalang Diyos?” Sumagot si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat. Makikita rin ninyo siyang dumarating na nasa alapaap ng kalangitan.” Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Hindi na natin kailangan pa ng mga saksi! Narinig ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong desisyon?” At nagkaisa silang lahat na hatulan siya ng kamatayan. At siya'y sinimulan nilang pahirapan; dinuraan siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok. “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” sabi nila. At siya'y binugbog ng mga bantay. Samantala, si Pedro naman ay nasa patyo sa ibaba nang lumapit ang isang babaing katulong ng pinakapunong pari. Nakita nito si Pedro na nagpapainit sa apoy, pinagmasdang mabuti at pagkatapos ay sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret!” Ngunit nagkaila si Pedro, “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.” Umalis siya at nagpunta sa labasan at tumilaok ang manok. Nakita na naman siya ng babaing katulong at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila!” At muling nagkaila si Pedro. Makalipas ang ilang sandali, sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka rin, hindi ba?” “Mamatay man ako, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan!” sagot ni Pedro. Siya namang pagtilaok muli ng manok. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.” Nanlumo siya at nanangis.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Marcos 14:53-72

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya