Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo ng gobernador, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.
Paglabas ng lunsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” Binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.
Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, at pagkatapos, naupo sila upang siya'y bantayan. Isinulat nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.
Ininsulto rin siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang sinasabi, “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”
Kinutya naman siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Sinasabi nila, “Iniligtas niya ang iba ngunit ang sarili ay hindi mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”
Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.
Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “ Eli, Eli, lema sabachthani? ” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” May isang tumakbo at kumuha ng espongha, binasa ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.
Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”
Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.
Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lunsod, at doo'y marami ang nakakita sa kanila.
Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!”
Naroon din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Mula pa sa Galilea, sila'y sumunod na naglilingkod kay Jesus. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.
Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, ang isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. Kasama sa paglilibing sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria; nakaupo sila sa tapat ng libingan.
Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. Sinabi nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.”
Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.”
Kaya pumaroon nga sila at nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa mga kawal.