Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 26:57-75

Mateo 26:57-75 RTPV05

Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan. Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari. Samantala, ang mga punong pari at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng sasaksi laban kay Jesus upang ito'y maipapatay. Kahit na maraming humarap at sumaksi ng kasinungalingan tungkol sa kanya, wala silang matagpuang makakapagpatotoong si Jesus ay dapat mamatay. Sa wakas, may dalawang humarap at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.” Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko pa sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!” Pagkarinig nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!” Dinuraan nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba, at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!” Samantala, si Pedro ay nakaupo noon sa patyo. Nilapitan siya ng isang utusang babae at sinabi sa kanya, “Kasamahan ka rin ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?” Ngunit nagkaila si Pedro sa harap ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya. Pumunta siya sa may pintuan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi nito sa mga naroon, “Ang taong ito'y kasamahan ni Jesus na taga-Nazaret.” Muling nagkaila si Pedro, “Isinusumpa ko, hindi ko kakilala ang taong iyon!” Makalipas ang ilang sandali, lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sabi nila, “Isa ka nga sa mga tauhan niya. Halatang-halata ka sa punto ng iyong pagsasalita.” Sumagot si Pedro, “Mamatay man ako! Talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan.” Pagkasabing-pagkasabi nito, tumilaok ang manok. Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas siya at tumangis nang buong kapaitan.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mateo 26:57-75

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya