Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 2:1-12

Mateo 2:1-12 RTPV05

Panahon ng paghahari ni Herodes sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. Nang siya'y isilang, may mga matatalinong taong mula pa sa silangan ang dumating sa Jerusalem. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.” Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?” Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito po ang isinulat ng propeta: ‘At Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda. Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.’” Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga matatalinong tao at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.” Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy na sa paghahanap; sila'y pinangunahan ng bituing nakita nila mula sa silangan. Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita nilang tumigil ang bituin sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira. Nang sila'y papauwi na, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya