Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 18:15-35

Mateo 18:15-35 RTPV05

“Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo sa dati ang pagsasamahan ninyong magkapatid. Ngunit kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.” “Tandaan ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang pahintulutan ninyo dito sa lupa ay pahihintulutan sa langit. “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman sa pananalangin, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.” Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito. Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. Unang dinala sa kanya ang aliping may utang na milyun-milyong piso. Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. Lumuhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya. “Ngunit pagkaalis roon ay nakatagpo niya ang isa niyang kamanggagawa na may utang na ilang daang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg, sabay sigaw, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad. “Labis na nagdamdam ang ibang mga tauhan ng hari nang malaman iyon, kaya't pumunta sila sa hari at isinumbong ang buong pangyayari. Ipinatawag ng hari ang malupit na lingkod. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran ang lahat ng kanyang utang. Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo patatawarin nang buong puso ang inyong mga kapatid.”

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya