Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 9:1-36

Lucas 9:1-36 RTPV05

Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa paghahari ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. Sila'y pinagbilinan niya, “Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, tinapay, salapi, o bihisan man. Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.” Saan man sila mapunta, ipinapangaral nila ang Magandang Balita at pinapagaling nila ang mga maysakit. Ang mga nangyayari ay nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea. Nabagabag siya sapagkat may nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo. Sinasabi naman ng iba, “Nagpakita si Elias.” May nagsasabi pang, “Ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.” Ngunit sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko na si Juan. Sino kaya ang lalaking ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya.” Kaya sinikap niyang makita si Jesus. Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Tinuruan niya ang mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman. Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa ilang na lugar po tayo.” Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi lilimang tinapay at dadalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” Halos limanlibo ang mga lalaking naroon. Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.” Pinaupo nga nila ang lahat. Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa, lumapit sa kanya ang mga alagad. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sino raw ako?” Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman po ng iba, kayo si Elias; may nagsasabi namang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong unang panahon.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Kayo po ang Cristo na sinugo ng Diyos!” sagot ni Pedro. Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman. Sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay ipapapatay nila ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang bubuhayin ng Diyos.” At sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang mapapahamak naman ay ang kanyang sarili. Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang naghahari ang Diyos.” Makalipas ang halos walong araw, umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. Biglang may nagpakitang dalawang lalaki, sina Moises at Elias, na ang mga anyo ay nakakasilaw din. Sila'y nakipag-usap kay Jesus tungkol sa nalalapit niyang kamatayan na magaganap sa Jerusalem. Natutulog sina Pedro noon, ngunit sila'y biglang nagising at nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may kasamang dalawang lalaki. Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Ang totoo'y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang makapal na ulap at sila'y natakot. Isang tinig ang nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili. Pakinggan ninyo siya!” Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita.