Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 8:4-21

Lucas 8:4-21 RTPV05

Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumalapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinhagang ito: “Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ito ng mga tao at tinuka ng mga ibon. May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo ito, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tigsasandaang butil.” At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!” Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob na sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y nagsasalita ako sa pamamagitan ng talinhaga. Nang sa gayon, ‘Tumingin man sila'y hindi sila makakita; at makinig man sila'y hindi sila makaunawa.’” “Ito ang kahulugan ng talinhaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't dumating ang pagsubok, sila'y tumiwalag. Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.” “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. “Kaya't pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati na ang inaakala niyang nasa kanya.” Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makipagkita sa inyo.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang siya kong ina at mga kapatid.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Lucas 8:4-21

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya