Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 24:13-35

Lucas 24:13-35 RTPV05

Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” Tumigil silang nalulumbay, at sinabi ni Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.” “Anong pangyayari?” tanong niya. Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta. Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!” Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Lucas 24:13-35

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya