Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 12:1-34

Lucas 12:1-34 RTPV05

Samantala, dumaragsa ang libu libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo; sila ay mga mapagkunwari. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan. “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin maliban dito. Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan! “Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi pinababayaan ng Diyos. Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya.” “Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos. “Ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin. “Kapag kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga tagapamahala at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.” Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid kong ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.” Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpasarap sa buhay!’ “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.” Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong pagkain para mabuhay o tungkol sa damit na ibibihis sa inyong katawan, sapagkat ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang bodega o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng pangangamba? Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nangangamba tungkol sa ibang mga bagay? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa parang at unawain kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa kabila ng kanyang kayamanan, ay hindi nakapagdamit ng kasingganda ng isa sa kanila. Kung dinaramtan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya! Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Subalit, pagsikapan muna nang higit sa lahat na kayo'y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.” “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nawawala. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”