Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 20:1-18

Juan 20:1-18 RTPV05

Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!” Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga mamahaling tela. Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan. At umuwi ang mga alagad. Si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Nang yumuko siya at sumilip sa loob, may nakita siyang dalawang anghel na nakadamit ng puti at nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, ang isa'y sa gawing ulunan at ang isa nama'y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya, “May kumuha po sa aking Panginoon at hindi ko alam kung saan siya dinala.” Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya dinala at kukunin ko.” “Maria!” sabi ni Jesus. Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, “Raboni!” na ang ibig sabihi'y “Guro.” Sabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Juan 20:1-18

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya