Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 18:19-40

Juan 18:19-40 RTPV05

Tinanong si Jesus ng pinakapunong pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang mga itinuturo. Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.” Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga pinuno ng mga bantay na naroroon. “Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong pari?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Kung may nagawa akong masama, patunayan mo! Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” Matapos ito, si Jesus ay nakagapos pa rin na ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari. Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay patuloy na nagpapainit sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, “Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?” “Hindi!” kaila ni Pedro. Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari ng mga Judio at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, “Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Jesus sa halamanan?” Muling ikinaila ito ni Pedro, at narinig na tumilaok ang manok. Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, “Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?” Sila'y sumagot, “Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Dalhin ninyo siya at hatulan ayon sa inyong batas.” Subalit sumagot ang mga Judio, “Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman.” Sa gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay. Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Iyan ba'y sarili mong palagay, o may ibang nagsabi sa iyo?” Tugon ni Pilato, “Hindi ako Judio. Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa daigdig na ito. Kung sa daigdig na ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa daigdig na ito ang aking kaharian!” “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa daigdig, upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato. Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya