Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 12:36-50

Juan 12:36-50 RTPV05

Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.” Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila nanalig sa kanya. Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ipinahayag? Kanino mo ipinakita ang iyong kapangyarihan?” Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias, “Binulag ng Diyos ang kanilang mga mata at pinatigas ang kanilang mga puso, upang sila'y hindi makakita, ni makaunawa ang kanilang mga isip, baka pa sila'y manumbalik sa akin at sila'y pagalingin ko.” Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus. Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang nanalig sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. Mas ginusto nilang kalugdan sila ng tao kaysa kalugdan sila ng Diyos. Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya