Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hukom 6:1-12

Mga Hukom 6:1-12 RTPV05

Muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang mga Israelita, kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Midianita sa loob ng pitong taon. Higit na makapangyarihan ang mga Midianita kaysa sa mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita ay nagsipagtago sa mga kuweba at sa mga kabundukan. Tuwing magtatanim ang mga Israelita sa kanilang mga bukirin, sinasalakay sila ng mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi galing sa disyerto. Nagkakampo ang mga ito sa lupain at sinisira ang mga pananim doon hanggang sa may Gaza. Wala silang itinitirang anuman na maaaring pakinabangan ng mga Israelita sapagkat kinukuha nilang lahat pati ang mga tupa, baka at asno. Dumarating silang parang makapal na balang kasama ang kanilang mga baka, tolda at mga kamelyong hindi mabilang sa dami, at sinisira ang lupain. Walang magawâ ang mga Israelita, kaya humingi sila ng tulong kay Yahweh. Nang marinig ni Yahweh ang pagdaing ng mga Israelita dahil sa pagpapahirap ng mga Midianita, sila'y pinadalhan niya ng propeta at ipinasabi ang ganito: “Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa kanilang pang-aalipin, at sa lahat ng inyong kaaway. Natalo ninyo sila at ibinigay sa inyo ang kanilang lupain. Sinabi ko na sa inyo na ako si Yahweh na inyong Diyos at hindi kayo dapat sumamba sa mga diyos ng mga Amoreo, sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.” Dumating sa Ofra ang anghel ni Yahweh at naupo sa ilalim ng malaking puno na pag-aari ni Joas na buhat sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik upang hindi siya makita ng mga Midianita. Nagpakita sa kanya ang anghel ni Yahweh at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo si Yahweh, magiting na lalaki.”

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Mga Hukom 6:1-12

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya