Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 2:1-17

Genesis 2:1-17 RTPV05

Nilikha nga ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay na naroroon. Tinapos niyang likhain ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw, at siya'y nagpahinga sa ikapitong araw. Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat. Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa. Nang likhain ng PANGINOONG Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang PANGINOONG Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa. Pagkatapos, ginawa ng PANGINOONG Yahweh ang tao mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay. Gumawa ang PANGINOONG Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinatubo niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia. Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates. Inilagay ng PANGINOONG Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya