Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 11:10-32

Genesis 11:10-32 RTPV05

Ito ang kasaysayan ng mga lahi na nagmula kay Shem. Dalawang taon makalipas ang baha, si Shem ay nagkaanak ng isang lalaki, si Arfaxad. Si Shem ay sandaang taóng gulang na noon. Nabuhay pa siya nang 500 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak. Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon na, nagkaanak siya ng isang lalaki, si Shela. Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak. Tatlumpung taon na noon si Shela nang maging anak niya si Heber. Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Sa gulang na tatlumpu't apat na taon, naging anak ni Heber si Peleg. Nabuhay pa siya nang 430 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Sa gulang na tatlumpung taon, naging anak ni Peleg si Reu. Nabuhay pa siya nang 209 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak. Si Reu naman ay tatlumpu't dalawang taon na nang maging anak niya si Serug. Nabuhay pa siya nang 207 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Si Serug ay tatlumpung taon nang maging anak niya si Nahor. Nabuhay pa siya nang 200 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Naging anak naman ni Nahor si Terah nang siya'y dalawampu't siyam na taon. Nabuhay pa siya nang 119 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Pitumpung taon na si Terah nang magkaanak ng tatlong lalaki: sina Abram, Nahor at Haran. Ito naman ang kasaysayan ng mga anak ni Terah na sina Abram, Nahor at si Haran na ama ni Lot. Buháy pa si Terah nang mamatay si Haran sa kanyang sariling bayan ng Ur, sa Caldea. Napangasawa ni Abram si Sarai at napangasawa naman ni Nahor si Milca na anak ni Haran na ama rin ni Isca. Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya. Umalis si Terah sa bayan ng Ur, Caldea, kasama ang kanyang anak na si Abram, ang asawa nitong si Sarai at si Lot na anak ni Haran. Papunta sila sa Canaan ngunit nang dumating sa Haran, doon na sila nanirahan. Doon namatay si Terah sa gulang na 205 taon.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya